PEÑARANDA, Nueva Ecija – Inilaan sa pagpapaunlad ng Peñaranda River Irrigation System bilang lugar panturismo ng pamahalaang bayan dito ang P3.2 million na gantimpala bilang awardee ng Seal of Good Local Governance.
Ayon kay Mayor Ferdinand Abesamis, bukod sa P3.2 million na performance challenge fund ay naglaan ang munisipyo ng karagdagang P3 million para sa kabuuang P6.2 million na gagamitin sa proyektong water park.
Ayon sa alkalde, bahagi na ng kasaysayan ng Peñaranda ang naturang ilog na matatagpuan sa Barangay San Josef at ito ang tradisyunal na dinarayo ng mga lokal na turista.
Kabilang sa ilalagay na istruktura ang view deck at pasilidad para sa water skiing.
Ang Peñaranda River ay daratnan ng mga turista bago marating ang Minalungao National Park na matatagpuan naman sa bayan ng Gen. Tinio, Nueva Ecija kaya naniniwala si Abesamis na magiging kambal na atraksiyon sa Nueva Ecija ang dalawang lugar.
Siniguro naman ni San Josef Barangay chairman Noel Mercado na maganda ang peace and order sa kanyang barangay at ligtas ang lugar para sa turismo.
Ayon sa kanya dati nang ginaganap sa nasabing ilog ang a g mga aktibidad na katulad ng karera ng bangka o river cross.