Mga kabalen, dumating na sa napakahalagang yugto ang ating paglalakbay tungo sa mga hangad na pagbabago.
Ngayon, ang bansa, sa pamumuno ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, ay maghihirang ng bagong punong mahistrado. Magaganap ito sa loob ng 90 araw makaraang nabakante ang pwesto ng chief justice (CJ).
Ang hihiranging CJ ay magmumula sa isang “short list” ng mga nominado na isusumite ng Judicial Bar Council (JBC) sa pangulo, makaraan ang “selection process” na itinakda sa Saligang Batas.
Ang JBC ang tatanggap ng mga nominasyon mula sa sambayanan. May mga kwalipikasyon para sa posisyon, tulad ng integridad, probity, independence, at ekspiryensya at kahusayan sa paglilitis.
Sa yugtong ito mahalagang puntuhan ang demokratikong proseso sa paghirang ng susunod na CJ, gayun din ang mga dapat baguhin sa estado ng ating Hudikatura.
Una, maihahantulad sa kasagraduhan ng isang halalan ang pagpili sa CJ. Malawak ang kapangyarihan at responsibilidad ng isang CJ na tatayong pinuno ng isang independent branch of government.
Ikalawa, ang JBC – ayon sa itinakda ng Saligang Batas— ay kinakatawan ng tatlong sangay ng gobyerno, mula sa liderato ng hudikatura, mga chairpersons ng mga justice committees sa Kongreso, at ng kalihim ng Department of Justice.
Ikatlo, ang kabuuang listahan ng mga nominado na isusumite sa JBC ay magmumula naman sa taumbayan, kaya matunog ang kahilingang gawing bukas sa publiko – maging sa media na kumakatawan sa Fourth Estate — ang selection process na isasagawa ng JBC. Kailangan lang maisagawa ito sa maayos na paraan.
Ngayon may pagkakataon upang ihayag ang mga dapat baguhin at ayusin sa Hudikatura, kasama na ang mga usaping administratibo at pamamahala tungo sa pagkakaloob ng pantay at makataong hustisya at mas epektibo at episyenteng serbisyo publiko sa lahat ng mamamayan, mayaman o mahirap.
Una rito ang pagsasa-ayos ng panlabas na anyo at kondisyon ng mga lower courts, gayun din sa pagpapasigla sa mga empleyado rito.
Kailangan maging disente ang anyo ng mga gusali at pasilidad, bilang tanggapan para sa judicial services.
Anumang ‘di-kanais-nais sa anyo at kapaligiran ng ating mga hukuman, maging sa pakikitungo ng empleyado sa mga kliyente, ay taliwas sa kaakibat na kasagraduhan ng paggawad ng hustisya.
Ikalawa, ang panloob naman. May tuwid na daan din sa paggawad ng hustisya. Tuluyan na sanang mawaksi ang nabansagang “decisions for sale,” maging ang kwestyonableng pag-dismiss ng kaso, pabor sa akusadong salarin, kapalit ng malaking halaga.
Katiwalian at korupsiyon din ang dahilan kung bakit nagiging mailap ang hustisya sa mga mahirap.
Ikatlo, hiling natin na maragdagan ang budget ng Public Attorney’s Office (PAO). Bukod sa abang kondisyon ng mga tanggapan ng PAO sa bansa, may kababaan din ang kita ng isang PAO lawyer.
‘Di maikakaila na lumilipat ang mga PAO lawyer sa pribado makaraang umani ng ekspiryensya sa gobyerno.
Sa pagganap nila bilang abugado ng mga akusadong kapos sa buhay ay mararamdaman na kung anong klaseng serbisyo at hustisya ang pwedeng asahan mula sa gobyerno.
Kaugnay ng ating adbokasiya sa karapatang pantao, masusi kong pag-aaralan kung paano mabibigyan ng ayuda ang PAO sa pagtalakay namin sa 2013 budget.
Maghahain tayo ng panukala para rito kung kinakailangan. Mabibilang sa mga talaan sa korte ang mga akusadong mahihirap na napawalang sala makaraan ang mahabang panahon nang pagkakakulong – at pagkawalay sa mahal sa buhay — dahil lang sa kawalan ng pamyansa.
Napapanahon din ang pagpapatibay ng “Pillars of the Criminal Justice System,” na binubuo ng Court, Prosecution, Police, Penology, at Community. Ang paksang ito ay tatalakayin natin sa mga susunod na kolum.
Mga kabalen, ang kailangan natin ay isang punong mahistrado na bukod sa walang bahid at maalam sa batas at paglilitis, ay mayroon ding kahusahayang pang-administratibo, gayun din sa masinop at masiglang pamamahala, upang tumibay ang pag-asang mararamdaman na rin ng lahat na may pantay na hustisya sa ating bansa.