May kilala kang magsasaka ng palay?

    547
    0
    SHARE

    Nitong Setyembre ng nakaraang taon, dalawang bagyo, parehong signal number 3, ang magkasunod na dumating —sina Pedring at Quiel—na nanalanta ng maraming kabukiran sa Pangasinan at sa mga karatig-probinsya nito.

    Subalit, isa sa mga ilang sakahan na nanatiling nakatayo pa rin ang mga pananim na palay ay ang kay Lydia Espinoza.

    Si Manang Lydia ay isang 72 taong gulang na kababaihang magsasaka na ginamit ang system of rice intensification (SRI) technique kung saan nakakuha siya ng pagkilala, lalo na mula sa mga opisyal ng Kagawaran ng Agrikultura matapos siyang itampok sa isang pambansang pahayagan para sa paraang ito ng pagsasaka ng palay.

    Ako at ang aking ama ay matagal nang mga tagapagtaguyod ng SRI, at sinusubukan naming ipalaganap ito sa ika-apat na Distrito ng Quezon, kahit pa ang mga pook dito ay may mas maraming mangingisda at magsasaka ng niyog.

    Nananalangin ako na ang sistemang ito ng pagsasaka ng palay ay makatamo ng mas malawak na suporta dahil ito ay para sa mga magsasaka ng palay na may irigasyong hindi masyadong abot-kamay, may kagustuhang magbawas ng gastusin, at siyempre, may pagnanais na kapag dating ng bagyo o tag-tuyot, matitiyak ang maayos na bilang ng ani.

    Maaari nga natin itong tingnan bilang isang paraan ng pakikibagay ng mga magsasaka sa nnagbabagong klima.

    Ang SRI ay may anim na haligi—Una, gumamit ng mas batang punla dahil mas nakaka-recover ang mga ito kaagad matapos ang pag-transplant.

    Pangalawa, iwasan ang pagpinsala ng ugat habang nagta-transplant na para bang naglipat kayo ng isang sanggol mula sa kuna papuntang kama nang hindi nagagambala ang kanyang pagtulog.

    Ikatlo, gumamit lang ng isang seedling kada tusok ng pagtanim na may pagitang 25 cm para mapigilan ang kompetisyon at sa ganyang paraan, nakakatipid kayo sa mga binhi.

    Ikaapat, basain tapos tuyuin ang pinagtamnan nang pasalit-salit, na hindi naman ginagawa sa tipikal na palayan na patuloy na nakalubog sa tubig. Ikalima, pahingahin (aerate) ang lupa. At ikaanim, gumamit ng maraming organic matter.

    Ang pasalit-salit na paglagay sa tubig at pagpapatuyo ng lupa ay ang kritikal na tampok ng sistemang ito. Dito nasasanay ang mga ugat upang mas magpalalim pa ng naaabot para sa pagkuha ng tubig.

    Habang nakatitipid sa tubig, nakakapagbigay pa ito ng mga palay na malalim ang ugat na siyang nagtitiyak ng pagkakaligtas tuwing bagyo. Mahalaga rin na hindi pahintulutan ang pagkakaroon ng mga talahib—iyan ay isang napakahalatang tagubilin ng SRI.

    Isang dapat nating tingnang magandang halimbawa ng pagiging epektibo ng SRI ay ang India, kung saan ang mga magsasaka ng palay ay nagtala ng pinakabagong world record ng dami ng ani dahil sa pamamaraang ito.

    Tsina ang dating may hawak dati ng record na 19 toneladang palay kada hektarya. Ngayon, nahigitan na ito ng magsasaka sa India na nakapag-ani ng 22.4 na tonelada o 448 kaban.

    Ang sikreto niya sa pagkamit nito ay simple lang—SRI! Kahit yung ibang kasamahan nitong magsasakang ito ay nakalampas din sa naunang record ng Tsina. At lahat sila ay gumamit ng SRI.

    Ipakilala ang pamamaraang ito sa mga kaibigan ninyong magsasaka.  Lumapit lang kay G. Roberto Verzola, Tagapag-ugnay ng SRI Pilipinas (rverzola@gn.apc.org) o i-text ang SRI hotline (+63939-117-8999). 

    Nagbibigay sila ng libreng training sa mga interesadong maliliit na magsasaka.  Sa SRI,  hindi lang natin matitiyak na ang mga pananim ay protektado sa mga suliraning buhat ng panahon at klima, makapag-aambag pa tayo sa seguridad sa pagkain.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here