Panawagan sa kabataan: Sa una mong boto

    1423
    0
    SHARE

    Paparating na ang 2013, mga kabalen. Panahon na naman ng pagpili ng mga susunod na mamumuno sa bansa sa ating mga lokal na pamahalaan, sa Kongreso, at sa Senado.

    Panahon na naman para mamili ng mga karapat-dapat na maglilingkod sa mga mamamayan.

    Ngunit, hindi natin ito magagawa kung hindi tayo rehistradong botante. Marahil ang tanong ninyo, bakit pa kailangang gawin ito? Bakit pa kailangang bumoto?

    May iba sa atin, nawawalan na ng pag-asa dahil sa dami pang kailangang baguhin sa ating pamahalaan at lipunan.

    Ang dami at laki ng trabahong ito ang siyang dapat na ginagamit natin upang maibalik ang pag-asa na iyon at upang magkaroon tayo ng motibasyon na magparehistro at bumoto.

    Para sa kabataan, malamang ang pagboto ay ang magiging unang desisyon na gagawin ninyo bilang unang hakbang sa pagiging “nakatatanda” sa lipunan dahil ang pagpapasiyang bumoto at pumili ng iboboto ay kaakibat ng rasyonal, makakapwa, at makabayang pag-iisip.

    Sa una mong pagboto, dapat puno ka ng ideyalismong gagabay sa pagkilatis mo ng bawat kandidatong nagnanais na magkaroon ng posisyon sa gobyerno.

    Sa una mong pagboto, may pakiramdam ka na ang iisang balota mo ay may kapangyarihang baguhin ang lipunan nating mayroong kahirapan, gutom, at kawalan ng katarungan.

    Sa una mong pagboto, nakapaloob sa iyong puso at isipan na tunay na may pag-asa para makamit ang pagbabago hindi para sa sarili lamang kundi para sa pamilya, para sa bawat mamamayan, at paa sa ating bayan.

    Mabigat unawain ang mga nabanggit ko, pero iyan mismo ang naramdaman ko noong unang beses kong ihulog ang balota ko sa kahon.

    Masarap ang pakiramdam. Subalit, bigla mong iisipin, wala namang magbabago. Pero sabi nga sa isang pelikula, “akala mo lang wala, pero meron, meron, meron!”

    Maraming maaaring magbago. Sa katunayan nga, ngayon na natin makikita iyang pagbabagong ninanais natin.

    Sa pagpapalit pa lamang ng administrasyon, patuloy ang pagkilos upang iangat ang estado ng pamumuhay ng bawat Pilipino habang patuloy pa rin tayong naglilinis at nagwawasto ng mga kamalian ng nakaraang pamahalaan.

    Mahirap ang laban, pero kailangang lumaban—at boto ng kabataan ang ating magiging sandigan.

    Tunay na mahalaga ang tinatawag na “youth vote.” Minsan, maririnig natin na may nagmamaliit dito. Hindi kami kasama roon. Alam ko ang kabuluhan ng sektor ng kabataan pag dating sa pagsasaayos sa pamahalaan.

    Malaki ang magagawa ng boto ng mga mas nakababata dahil mas matagal pa kayong magiging mga stakeholder sa mga gawain at serbisyo ng ating gobyerno.

    Hanggang sa pagtanda, bitbit ninyo ang pagnanais ng pagbabago at maningil sa mga pangako ng inyong mga ibinatong kandidato.

    Habang bata, marahil hindi pa natin gaanong ramdam ang problema sa ekonomiya at sa pagkakaroon ng trabaho dahil hindi pa kayo naaatasan ng malalaking responsibilidad pag dating sa pananalapi sa loob ng pamahalaan.

    Isang magandang isipin para matapatan ito ay “Ang boto ko ay tulong ko kay nanay at tatay para hindi sila nahihirapang magbigay ng maayos na buhay para sa amin dahil ang mga inihalal natin ay silang magiging mismong katuwang nila rito.”

    Kahit anuman ang maging dahilan para tayo ay bumoto, isaalang-alang natin ang Bayan. At huwag na nating ipagpabukas pa ang pagpaparehistro dahil ang magiging boto ng kabataan ay boto para sa kinabukasan hindi lamang nila, kundi para sa bawat mamamayan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here