Korupsiyon, katarungan: Dapat pang harapin ng People Power

    578
    0
    SHARE

    Dalawamput-anim na taon makaraan ang EDSA People Power, naiisip ko ang mga problemang panlipunan na kailangan pa nating harapin  bilang pamayanan.

    Ito ang korupsiyon at social justice. 

    Sa pagtatagumpay ng People Power noong  ika-25 ng Pebrero, 1986, nagwakas ang diktadurya at naging malaya tayong muli. 

    Sumunod dito ang pagsumpa ni Cory Aquino bilang ating bagong Pangulo. At napabalik ang ating demokrasya.

    Sa tuwa natin noon tayo’y naglundagan, gaya nang mga sundalong nagwagi sa digmaan. Nakahulagpos tayo sa mga tanikala ng rehimeng Marcos na nagmadaling nagtungong Hawaii.

    Ayos na sana at naipatutupad na ng dating Pangulong Cory ang mga kailangang pagbabago sa panahon ng kalayaan at demokrasya.

    Nasimulan ang katarungang panlipunan sa pagsasabatas ng Komprehensibong Repormang Agraryo.

    Ngunit tila namalikmata at naisahan ang sambayanan ng mga ngiti at matatamis na pananalita ni Ginang Gloria Arroyo.

    Sa loob nang siyam na taon, naghari ang mga kagustuhan at kapangyarihan ni Ginang Arroyo. Naisantabi ang kapakanan ng mamamayan, naghari ang kurakot at nawala ang pagpapahalaga sa mga kailangang pagbabago. Siyam na taon ang nawala at nasayang!

    Ang biyaya ng pag-unlad ay angkin pa rin ng mga dati nang mayayaman, at, marami sa atin ang napipilitang mangibang-bansa, sumusuong sa panganib at kalungkutan, kumita lamang ng pera upang mapakain, mabihisan ang kanilang mga pamilya, at mabubungan ang kanilang mga tirahan.

    Ngayon sa kasalukuyang administrasyon, mabibigyang buhay muli ang diwa ng EDSA People Power.

    Mababakas sa mga kaganapan, tulad ng impeachment trial para sa punong mahistrado na nahaharap sa kasong betrayal of public trust ang mariing hangarin na maparusahan ang mga nagkasala sa bayan. 

    Mas pinapaunlad ang demokrasya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng puwang upang  makikibahagi na rin ang mamamayan sa budget processes.

    Ang pag-alab ng diwa ng pagbaka sa korupsiyon ay papalagablab na sa pagsanib ng kagustuhan ng Ehekutibo at Lehislatura na maisa-batas na ang Freedom of Information (FOI) bill.

    Sa FOI, mamamayani ang transparency at hindi na maitatago ang pandaraya at mga diskarteng pangangamkam at pagwawaldas sa yaman at kaban ng bayan.

    Mga kabalen, hindi biro ang pagharap sa mga hamon ng pakikibaka sa korupsiyon.   At lalong mas malaking hamon ang paglalatag at pagpapatupad ng programang pang-ekonomiya na magtitiyak na ang bunga ng pag-unlad ay   makakarating sa nakararami. 

    Ang mga mahirap subalit natitirang dapat nating makamit:

    Lupa para sa mga magbubukid, sapat na pagkain, trabaho, kalidad na edukasyon, malusog na mamamayan, depensa sa climate change, at angkop pangangalaga sa kapaligiran.

    Eto pa: Fiscal stability sa pamamagitan ng pagrestraktura ng tobacco at wine taxes, pag-amyenda sa EPIRA, paghahanap ng iba pang paraan para bumaba ang halaga kuryente, at implementasyon ng isang angkop na industrialization program.

    At, bilang pangumpleto ng hamon ng EDSA: Katarungan para sa libo-libong biktima ng karahasan sa ilalim ng rehimeng Marcos.

    Katarungan para sa mga bayani ng repormang makamasa, para sa mga namundok, tinugis, pinahirapan, nawala at pinatay nang dahil sa pagtatanggol sa kanilang karapatan.

    Katarungan din para sa mga inagawan ng mga ama, ina, kapatid, at mga anak na nagbuwis ng buhay para sa karapatang pantao.

    Maganda sanang makarinig tayo kahit kaunting paghingi ng paumanhin mula sa mga pamilya Marcos sa mga kamaliang nagawa noong panahon ng diktaturya. 

    Subali’t walang pag-amin at mukhang hindi natin ito nababanaag kaagad sa darating na panahon.

    Mga kabalen, huwag po tayong mapanghinaan, bagkus humugot tayo ng lakas sa diwa ng EDSA People Power, lalo na sa pagtatanggol ng ating mga karapatan.

    Karapatan sa malinis na pamamahala, at karapatan sa mga yaman at biyaya ng bansa.

    Kumilos tayo sa direksiyong ito at hindi tayo maliligaw ng landas patungo sa mga kailangang pagbabago.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here