Komusta Kabalen ku!
Sa aking palagay, maaaring higit pa sa mga karaniwang legislative procedures at gawaing pang-distrito ang pwedeng pag-ukulan ng pansin ng sinumang kongresista o senador.
Maaaring lapatan ng mga kaisipang makabayan ang ang mga batas.
Alam natin na malaki ang naging impluwensiya ng mga Kastila sa ating kultura, at ng mga Amerikano naman sa pamamahala sa bansa. Batid natin na inakay tayo ng mga Amerikano mula kolonisasyon, sa Commonwealth government.
Alam din natin na makaraang ipinagkaloob na ang kalayaan ng bansa noong 1945 makaraan ang panandaliang Japanese Occupation, naging maimpluwensiya pa rin ang American Government sa pamamahala sa ating bansa.
Kaya hindi rin malayo maging sa mga batas na ginawa ng Lehislatura simula 1945 hanggang sa US-supported Marcos dictatorship, ay bakas o taglay ang mga kaisipang dayuhan. Ang totoo, marami tayong batas na ang pinagbatayan ay ang batas sa Amerika.
Sa kasalukuyan, bagamat lahat ng panukalang batas ay may intensyong makabuti para sa higit na nakararami, may pangangailangang maglapat ng mga kaisipang makabayan at maka-Pilipino sa ating mga panukalang batas na isinusulong ngayon.
Para sa akin pangunahin din na maging bahagi ng mga proseso sa Lehislatura ang pagpapalawig ng kaisipang makabayan, at ang pagtatanim at pagpapaloob ng mga kaisipan sa Patriotismo, o ang magmahal sa bansa, sa pag-aakda at pagbubuo pa lamang ng batas.
Ang Patriotismo, higit sa lahat, ang sandigan ng sama-samang pagkilos laban sa panunupil, pananakot, o paghamak sa ating mga Pilipino.
Hindi ba’t sa panimula ng bawat araw sa eskwelahan sa elementary at high school, sabay sabay nating sinasambit ang Panatang Makabayan, at ang mga unang salita ay “Iniibig ko ang Pilipinas”?
Sa aking pagbibinata at pagpasok sa kolehiyo noong mga 1990s, ako ay namulat na at tuluyang nakibahagi sa mga kilusang makabayan. Naging laman din ako ng mga kalsada sa mga demonstrasyon laban sa pagsupil sa kalayaan.
Pangunahin ang patriotismo sa mga natutunan ko sa aking Lolo, si Senador Lorenzo M. Tañada, at sa aking Tatay, ang dating Senador Wigberto “Bobby” Tañada.
Kilala sina Lolo at Tatay mapagmahal sa bansa at kapwa Pilipino. Si Lolo na nabansagang “Grand Old Man of Philippine Politics” ay inalay ang kanyang sarili sa pagtatanggol at pagbibigay ng inspirasyon sa mga makabayan na tumutol sa US-supported Marcos dictatorship, kasama na dito si Ninoy Aquino.
Ang aking ama naman, kahit labag sa kagustuhan ng Pangulong Cory Aquino, ay umakda ng Senate Resolution — na nagpatalsik sa mga sundalong Amerikano sa kanilang mga base militar sa Clark at Subic noong 1991.
Siya rin ang umakay kay Lolo sa mga huling hakbang nito ng paglakad sa mga kalsada sa Maynila, sinalubong ang water cannon, truncheon at tear gas noong panahon ng mga anti-Marcos demonstrations.
Naalala ko pa, dahil sobrang hina na ng tuhod, mahigpit na hinahawakan pa ni Tatay ang kamay at balikat ni Lolo upang makatayo lamang habang nagtatalumpati at sumisigaw para sa katarungan, kalayaan sa pamamahayag, at iba pang makabansang adbokasiya.
At ngayon sa pagganap ko ng aking tungkulin sa Lehislatura, at bilang Deputy Speaker ng House of Representatives, sinisikap kong isulong ang kaisipang makatao at makabayan kagaya ng gawi ng aking mga ninuno.
Inihapag ko ang Marcos Compensation Act, pagtatanggol sa mga biktima ng karapatang pantao, ganoon din pagkamit ng hustisya para ang mga biktima ng enforced disappearances. Naipasa naman natin ang isang landmark legislation noong nakaraang Kongreso – ang Anti-Torture Act.
May panukalang batas din akong inihain hinggil sa pagprotekta sa ating mga biyaya mula sa karagatan at gamit ng lupa (National Land Use Policy), paghihigpit sa Tariff and Customs Code upang mapigil ang smuggling na humihigop sa taripa at buwis ng bansa, ang paglalatag ng mga ankop na polisiya at tulong pinansya sa mga lokal na pamahalaan upang handa ang pamayanang harapin ang hamon ng climate change, payapang relokasyon ng mga informal settlers, ang pagbigay ng kalayaan sa paghiling ng impormasyon at sagot mula sa mga ahensiya’t opisinang pangpamahalaan, pag-angat ng mga industriya, pagpapababa ng singil ng kuryente, pagbibigay ng universal health care, at ilan pang panukala na may counterpart bill na rin sa Senado.
Kung minsan, ang malungkot na katotohanan, nagiging pangunahin pa ang pork barrel sa mga usapin.
O dili kaya’y ito ay nagagamit upang mapabilis ang pagpasa ng isang panukala o kaya ay ang pagsasantabi ng mga ito, batay sa sentimyento ng nasa Malacañang.
Sa bagong pamunuan ng Lehislatura pati na din ng Executive, umaasa ako na mangingibabaw na ang independensya ng bawa’t sangay ng Pamahalaan.
Nawa’y hindi maghintay pa ng signal mula sa Malacañang ang aking mga kasamahan sa Kongreso para lamang maisulong at mapagalaw ang mahahalagang panukalang batas gaya halimbawa ng Freedom of Information (FOI) bill.
Huwag sanang gamiting sangkalan ang pagmumuni-muni pa ng Malacañang upang hindi umusad ang mahalagang usaping ito sa Senado at Kongreso.
Ibigay natin sa ating mga kababayan ang isang malaya at mapagpalayang Lehislatura.