Social media center ng ABS

    371
    0
    SHARE

    Mas madali nang makakuha ng pinakasariwang mga balita sa Kapamilya Network ang mga mamamahayag, bloggers, at buong komunidad sa online sa paglulunsad ng ABS-CBN Corporation ng ABS-CBN Social Media Newsroom, ang pinakaunang social media newsroom ng isang TV network sa bansa.

    Sa pamamagitan ng ABS-CBN Social Media Newsroom, lahat ng opisyal na pahayag mula sa ABS-CBN ay matatagpuan sa isang website.

    Maaari din itong i-share agad sa ibang social networking sites tulad ng Twitter, Facebook at Goggle+ sa isang pindot lang.

    “Ang ABS-CBN Social Media Newsroom ay magandang halimbawa ng komunikasyon sa digital world.

    Sa pamamagitan nito, napapalapit ang ABS-CBN sa mga stakeholders at katuwang nito sa loob at labas ng bansa na nais malaman ang mga bagong balita sa aming programa at serbisyo,” sabi ni ABS-CBN Corporate Communications head Bong Osorio na dating regional director ng International Association of Business Communicators sa Asya.

    Dagdag pa niya, ang paggawa ng social media newsroom ay lumalaking trend o “uso” sa mga korporasyon, saan mang panig ng mundo, para matugunan ang pangangailangan sa mabilisang impormasyon ng mga mamamahayag, bloggers at iba pang nasa mundo ng Internet.

    Nilalaman ng ABS-CBN Social Media Newsroom ang mga press o photo releases tungkol sa ABS-CBN kabilang na ang mga subsidiary nito; video plugs ng pinakabagong mga programa; kopya ng panayam sa mga Kapamilya stars at executives; RSS feed features; at clippings tungkol sa sinasabi ng media sa ABS-CBN.

    Ayon kay ABS-CBN Corporate Affairs & PR director Kane Errol Choa, ang digital communication ay nagbibigay daan para mas mapabuti ang palitan ng impormasyon sa pagitan ng ABS-CBN at ng mga tumatangkilik nito.

    “Ginawa naming user-friendly ang disenyo ng ABS-CBN Social Media Newsroom at naglalagay ng press releases sa nakasulat at nakaayos ayon sa gusto ng mga mamamahayag at blogger,” dagdag niya.

    Mag-log-on lang sa www.abscbnpr.com para tignan ang pinakabagong mga materyal hatid ng ABS-CBN Social Media Newsroom.

    Maaari rin itong mabasa via RSS feeds sa inyong smartphones. Mag-download lang ng RSS reader applications tulad ng Google Reader, Taptu, at Flipboard sa inyong iOS, Android, o Windows phones.

    Maaaring kunin o kopyahin ng mga manunulat at bloggers ang press materials sa site at maaari rin silang gumawa ng sarili nilang materyal base dito o sa mga matatagpuang  interview transcripts at audio o video materials.

    Ang ABS-CBN Public Relations Group, sa ilalim ng Corporate Communications Division, ang mag-a-upload ng mga bagong materyal sa site araw-araw na diretsong iti-tweet ng @abscbnpr at mapa-publish bilang wall post sa facebook.com/abscbnpr.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here