Aminado si Coco Martin na naninibago siya sa kanyang role bilang Daniel, mabait at pasensiyosong tao, sa Walang Hanggan.
In his past drama series kasi, puro bida-kontrabida ang nagampanan niya.
Pero sa Walang Hanggan, talagang super bait ang role niya kaya aminado siyang medyo nahihirapan, lalo na sa mga eksena nila ni Joem Bascon.
“Kasi, kahit nagagalit na ako du’n sa scene, dapat kontrolado pa rin at hindi ko masyadong ipapakita dahil ’pag tinodo ko, baka ako pa ’yung lumabas na kontrabida,” aniya.
“Kaya sabi ko sa sarili ko, mahirap din pala ’yung ako ang mabait. Pero at least, bago naman at hindi ’yung the usual na napapanood na laging galit na lang at laging sumisigaw at lumalaban talaga,” dagdag niya.
Samantala, nag-enjoy din si Coco sa taping nila ni Dawn Zulueta sa Italy at sey niya, pakiramdam niya ay nagsu-shooting siya ng indie film.
Sa estado ni Coco, walang masasabi ang aktor kundi puro pasasalamat.
“Sa sobrang ibinigay Niya sa akin, eh, sumobra pa sa mga hiniling ko, eh, kuntento na ako nang sobra rin. Ang hinihiling ko lang naman, eh, regular income, pero heto, sobra-sobra,” say ng magaling na aktor.