MALOLOS CITY — Ikinakasa ng National Power Corporation (Napocor) ang pagsasagawa ng cloud seeding operation sa Angat Dam sa unang linggo ng Mayo upang matiyak ang sapat na supply ng tubig inumin sa Kalakhang Maynila.
Ito ay dahil sa patuloy na pagka-ubos ng tubig sa dam na noong Miyerkoles, Abril 23, ay bumaba sa 184.93 meters
above sea level (masl). Ang lebel na ito ng tubig ay halos limang metro na lamang bago tuluyang sumayad sa kritikal na 180 masl sa dam na pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng Kalakhang Maynila.
Ayon kay Gladys Cruz-Sta. Rita, pangulo ng Napocor, isinasapinal na nila ngayon ang mga memorandum of agreement at mga kontrata para sa pagsasagawa ng cloud seeding. Ang cloud seeding ay ang pamamaraan ng pagsasabog ng asin sa makapal na ulap upang makalikha ng ulan at madagdagan ang tubig sa dam.
Batay sa naunang paliwanag ng Napocor, ang sako-sakong asin ay isasakay sa maliit na eroplano, pagkatapos ay lilipad patungo sa makapal na ulap upang doon isabog ang asin. Ito ay nakadepende sa kapal ng ulap, at hindi tiyak kung saan papatak ang ulan na malilikha dahil ang ulap ay natatangay ng hangin.
Hindi tinukoy ni Sta. Rita kung sino ang mga lalagda sa MOA at sa kontrata ng pagpapatupad ng cloud seeding.
Ngunit sa kanyang naunang pahayag, sinabi ni Sta. Rita na nakikipag- ugnayan na ang Napocort sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) upang gugulan ang operasyon na nagkakahalaga ng P1.2 milyon.
Kaugnay nito, inilahad ni Inhinyero Rodolfo German, general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) na ang pagsasagawa ng cloud seeding ay madalian. Layunin ng cloud seeding na magdagdag ng tubig sa dam dahil mula pa noong Disyembre ay halos walang ulan na pumatak sa Angat dam watershed.
Ito ang isa sa mga dahilan ng mabilis na pagkaubos ng tubig sa dam, bukod sa patuloy na pagpapadaloy ng Manila Water Corporation Inc., at Maynilad Water Services Inc., ng tubig inumin sa Kalahang Maynila.
Matatandaan na sa mga nagdaang taon, kapag nalalapit nang sumayad sa kritikal na 180 masl ang water elevation sa dam, nagsasagawa ng cloud seeding. Ang pinakahuling cloud seeding sa Angat Dam ay sinagawa noong 2011.
Ito ay dahil na mabilis napagkaubos ang tubig sa dam noon at naantalaang pagdating ng ulan. Ang kalagayang ito ay nagpapaalala rin ng pagkatuyo ng tubig sa dam noong 1997 hanggang 1998, na naulit noong 2004 at 2010.
Katunayan, ang pinakamababang water elevation na 157.57 sa Angat Dam ay naitala noong Hunyo 2010. Ang mabilis na pagkaubos ng tubig sa dam ay iniuugnay sa El Nino phenomenon, o ang kalagayan ng panahon na tinatampukan ng kawalan ng ulan.
Ngunit sa kasalukuyan, wala pang ininuulat na El Nino ang Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa). Sa kabila nito, patuloy na nararamdaman sa lalawigan at ibang bahagi ng bansa ang mainit na temperatura na umaabot sa 37 degrees Celsius bawat araw.
Dahil dito, lalong bumibilis ang pagkaubos ng tubig sa dam, dahil tumataas ang konsumo ng tubig bunsod ng init ng panahon. Batay sa tala ng Pagasa Flood Forecasting and Warning Services, ang naitalang water elevation na 184.93 masl noong Miyerkoles ay mas mababa sa 187masl na rule curve sa dam sa panahong ito.
Tinataya rin na bumaba ng halos .30 metro ang tubig sa dam bawat araw, kayat tinatayang sasayad ito sa kritikal na 180 masl sa unang lingo ng Mayo.
Kapag sumayad sa kritikal na 180 meters ang water elevation sa dam, nangangahulugan na tuluyan nang puputulin ang alokasyong tubig ng Angat Dam sa irigasyon ng magsasaka sa Bulacan at Pampanga.
Para naman samga magsasaka, marami sa kanila ang naka-ani na ngunit may mga magsasaka pa rin na nangangailangan ng patubig.