Higit na benepisyo sa pagpapatupad ng Bulacan Bulk

    515
    0
    SHARE

    MARILAO, Bulacan—Tiniyak ni Gob. Wilhelmino Alvarado na mas maraming benepisyo ang tatanggapin ng Bulacan sa pagpapatupad ng Bulacan Bulk Water Supply Project (Bulacan Bulk).

    Kaugnay nito, inihahahanda na ang Terms of Reference (TOR) na magsisilbing gabay sa pagpapasubasta ng nasabing proyekto sa Setyembre.

    Ayon kay Alvarado, hindi pa nila matiyak kung magkano ang magiging halaga ng puhunang gugugulin sa proyekto, ngunit sinabi niya na malaki ang posibilidad na maging mas mataas iyon sa P11-bilyon puhunang ipinangako ng Manila Water Corporation Inc. (MWCI) noong 2007.

    Nilinaw din ng punong lalawigan na magkaiba ang puhunang gugugulin sa proyekto at sa benepisyong matatanggap ng Bulacan.

    Binigyang diin pa niya na dahil sa ipasusubasta ang proyekto, magpapataasan sa puhunang gugugulin at iaaalok na benepisyo sa Bulacan ang lalahok na negosyante; samantalang magpapababaan naman ang mga ito sa sisingiling water rates sa pagpapadaloy ng tubig sa mga water district.

    “Pinag-uusapan na sa TOR na ang starting bid para sa royalty fee ay P350-M, maaari pang tumaas doon, at bukod pa diyan ang development fund na ibibigay ng winning bidder bawat taon,” ani Alvarado.

    Ang royalty fee ay magsisilbing kabayaran para sa water right ng Bulacan na padadaluyin sa mga water district.

    Ito ay dahil sa ang pinagkalooban ng tatlong kubiko metro ng tubig  bawat segundo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong unang bahagi ng dekada 90.

    Ito ay kaugnay ng pansamantalang pag-iiwi ngAngat Dam sa tubig na pinadadaloy ng MWSS mula sa Umiray, Quezon sa pamamagitan ng 13-kilometrong Umiray-Angat Transbasin Project (UATP) na sinimulang gawin noong 1992, at natapos noong 2000.

    Kumpara sa development fund na ibibigay bawat taon ng pagpapadaloy ng tubig, ang royalty fee at minsan lang ibibigay sa panahon ang itinakdang kontrata ng pagpapadaloy ng tubig.

    Ayon kay Alvarado, maging ang mga bayan ng Norzagaray at Donya Remedios Trinidad na nakakasakop sa Angat Dam Watershed ay makakatanggap ng taunang development fee.

    Tinatayang hindi bababa sa P5-M ang matatanggap ng dalawang bayan bilang development fee.

    Maging ang kapitolyo ay tatanggap ng development fee, ngunit hindi pa matukoy kung magkano ang itatakada sa kontrata.

    Bukod samga ito, sinabi ni Alvarado na tatanggap din ng water usage fee ang pamahalaang panglalawigan.

    Iginiit na niya na bukod samga benepisyong ito, makikinabang din ang Bulacan sa trabahong lilikhain ng proyekto.

    Ito ay dahil sa mangangailangan ng libo-libong manggagawa ang alimang kumpanya na mananalo sa pagpapasubasta ng proyeto.

    Kabilang dito ay ang mga manggagawang  magsisipaghukay ng kanal na pagbabaunan ng mga naglalakihang tubo na pagpapadaluyan ng tubig.

    Ayon kay Alvarado, ang pangunanhing pipeline ng pagpapadaluyan ng tubig ay bukod pa sa mga tubong ilalatag patungo sa mga pipeline ng bawat water district na bibili ng tubig mula sa Bulacan Bulk.

    Matatandaan na noong 2007, ipinangako ng MWCI pang P11-B puhunan para sa pagpapatupad ng Bulacan Bulk, ngunit hindi iyon natuloy kahit nalagadaan na nina dating Gob. Joselito Mendoza at dating MWSS administrator  Lorenzo Jamora ang isang kasunduan.

    Ito ay dahil sa hindi napagtibay ng MWSS Board ang nasabing kasunduan.

    Bukod dito, nagsampa ng kaso sa korte si Alvarado bilang pagtutol sa isang probisyon ng kasunduan.

    Ito ay ang kondisyon na pagsasampa ng joint motion ng MWSS at pamunuan ng Bulacan noon sa Court of Appeals (CA) upang iurong ang kasong isinampa ng Bulacan laban sa MWSS noong 2004.

    Ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa paniningil ng Bulacan ng natural wealth tax sa MWSS ayon sa itinatakda ng local government code na nagsasabi na ang pamahalaang lokal na nag-iiwi ng likas na yaman ay dapat magkaroon ng kabahagi sa kikitain sa paggmit ng likas na yaman.

    Batay sa mga naunang pahayag, tinatatayang aabot sa P700-M hanggang P1-B ang posibleng masingil ng Bulacan mula sa sa MWSS para sa natural wealth tax.  Ang nasabing kaso ay kasalukuyang naghihintay ng desisyon sa Korte Suprema.

    Ito ay matapos matalo noong 2008 ang MWSS sa CA na kumatig na naunang desisyon ng Regional Trial Court sa Malolos.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here