LUNGSOD NG MALOLOS – Paiigtingin pa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbabantay sa mga sash factories sa Gitnang Luzon dahil sa ulat na tumatanggap ito ng mga iligal na tabla.
Ito ay matapos kumpiskahin ng DENR Anti-illegal Logging Task Force ang may P70,000 halaga ng tablon sa Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan noong Lunes ng hapon.
Kaugnay nito, inihahanda na ang kaso laban sa tatlo katao kabilang ang may-ari ng isang hardware dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 o ang Forestry Code of the Philippines.
Ang nasabing batas ay inamyendahan ng Executive Order Number 227 noong 1987 kung saan ay kabilang na mga bumibili ng iligal na tablon sa mga kakasuhan bukod sa mga timber poachers.
Ayon kay Joseph Mendoza, ang intelligence officer ng DENR Anti-Illegal Logging Task Force, matagal na nilang binabantayan ang mga sash factories sa lalawigan at iba pang bahagi ng Gitnang Luzon at lalawigan ng Rizal.
Ito ay dahil sa mga ulat na bumibili ang mga ito ng mga tablon mula sa mga timber poachers.
“Nagbunga na ang monitoring namin,” ani Mendoza at idinagdag na, “kumpirmado na ang mga ulat sa amin, tiyak na mas lalong iigting ang monitoring sa mga sash factories.”
Kabilang sa kanilang binantayan ay ang Sureluck Wood Enterprises na matatagpuan sa kahabaan ng Quirino Highway sa Barangay Gumaoc sa lungsod ng SJDM.
Bandang alas-4 ng hapon noong Lunes, naaktuhan ng task force ang pagdidiskarga ng mga tablon sa bakuran ng Sureluck mula sa isang Isuzu closed van na may plakang CSL 394.
Ang nasabing sasakyan ay may nakasulat na “Fruit and Vegetable dealer” at nakarehistro sa isang “J. Jimenez.”
“Biglang tumakbo yung driver at pahinante ng magpakilala kami,” ani Mendoza sa panayam sa telepono.
Umabot sa 1,498.67 board feet ng tablon ang nakumpiska na tinatayang nagkakahalaga ng P67,410.
Natuklasang walang kaulang dokumento ang mga dinidiskargang tablon.
Ayon kay Mendoza, tinutukoy pa nila kung saan nagmula ang tablon ngunit ayon sa ilang source nila, iyon ay nagmula sa Isabela; Minalungao sa Nueva Ecija, o kaya ay sa Donya Remedios Trinidad sa Bulacan.
Tiniyak din ni Mendoza na ang mga tablon ay produkto ng mga “carabao loggers” o mga timber poachers.
Nagpahayag ng kagalakan si Mendoza sa pagkakakumpisksa sa tablon, ngunit iginiit niya na ang timber poaching ay patuloy na sumisira sa mga watershed kabilang na ang sa Angat Watershed.
Sinabi ni Mendoza na ang Angat Watershed ay isa sa mga kritikal na watershed ng bansa.
Inayunan naman ito ni Bro. Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Environmental Society (SSMEES) na nakabase sa SJDM City.
Ipinaliwanag ni Francisco na ang pagiging kritikal ng Angat Watershed ay dahil sa ito ang pinagkukunan ng 97 porsyentong inumin ng kalakhang Maynila, bukod pa sa lumilikha din ito ng kuryente sa pamamagitan ng Angat River Hydro Electric Power Plant.
Samantala, sinabi ni Mendoza na inihahanda na nila ang kasong isasampa lagan sa Sureluck at maging sa may ari ng close van at driver nito.