SA PAGLUBOG NG MV COSTA CONCORDIA
    Pinay crew nakaligtas, pero nangangamba sa trabaho

    369
    0
    SHARE

    CALUMPIT, Bulacan—Ikinalungkot ng dalagang si Teresa Robles ng Barangay San Jose sa bayang ito ang pagtutol ng pamunuan ng Costa Crocierie S.P. na masakay at makasama siya sa paglalayag ng MV Costa Concordia noong Disyembre.

     Sa edad na 24, nais niyang madagdagan ang kinita sa paglilingkod bilang isa sa mga crew ng MV Deliciosa mula noong nakaraang Marso.

    Ang MV Deliciosa ay isa sa mga luxury liner ng Costa Crocieri S.P., na siya ring may ari ng MV Costa Concordia na lumubog sa baybayin ng Grosseto, Tuscany sa Kanlurang Italya noong Biyernes, Enero 13.

    Bukod sa pagkita ng dagdag na pera bilang crew, nais din ni Robles na makapamasyal sa Europa kaya’t hiniling niya na ma-extend ang kanyang kontrata at masakay sa MV Costa Concordia.

    Ngunit sa paglubog ng nasabing barko, iisa ang nasambit ng dalaga.

    “Mabuti na lang hindi ako nasakay,” aniya sa panayam kamakailan.

    Ngunit sa kabila ng pasasalamat na hindi siya nadamay, may simoy din ng kalungkutan ang tinig ng dalaga dahil sa ilan sa mga kaibigan niya ay kabilang sa 296 na crew ng MV Costa Concordia.

    Bukod dito, ipinangangamba nila ngayon na maapektuhan ang kanilang trabaho dahil sa posibilidad na pansamantalang makansela ang lisensiya ng mga barko ng Costa Crocieri.

    “Kinakabahan kami kasi may mga messages na baka umano ma-cancel yun license, tiyak maaapektuhan ang trabaho namin,” ani Robles na umuwi sa Bulacan noong Disyembre upang ipagdiwang ang Pasko at salubungin ang Bagong taon kasama ng kanyang pamilya.

    Bukod sa posibilidad na ito, sinabi ni Robles na isang araw matapos lumubog ang barko ay nagpahatid ng text messages ang kanyang mga kaibigang crew ng MV Costa Concordia.

    “Cellphone at suot na uniporme lang daw ang nai-save nila at binigyan lang sila ng blanket sa ospital,” ani Robles.

    Ikinuwento rin sa kanya ng mga kaibigan na walang Pilipinong crew ng barko ang namatay, ngunit may tatlong nasugatan.

    Batay sa ulat na ipinalabas ng Department of Foreign Affairs (DFA), ligtas ang lahat ng 296 na Pilipinong tripulante ng barko.

    Iniulat din ng DFA na nagpahayag ang Costa Crocieri na babayaran ang mga Pilipinong tripulante, maging ang mga napinsalang kagamitan samantalang inihahanda ang kanilang pagbabalik sa bansa.

    Batay pa rin sa ulat ng DFA, umaabot sa 30 porsyento ng mga tripulante ng mga barkong naglalayag sa karagatan ng mundo ay mga Pilipino.

    Kabilang dito ang ang mga oil tanker o barkong nagbibiyahe ng langis; at mga luxury liner tulad ng MV Costa Concordia. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here