Maliban sa paputok, pagkain dapat din pag-ingatan

    535
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Hindi lang paputok ang dapat pag-ingatan sa panahon ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong taon.

    Dapat ding mag-ingat sa pagkain, kaya naman maging mga gamot at gamit sa mga tataas ang presyon ng dugo at iba pang sakit ay ipinahanda na ng direktor ng Bulacan Medical Center (BMC) sa lungsod na ito.

    Ayon kay Dr. Protacio Badjao, direktor ng BMC, karaniwang nakapagtatala sila ng mataas na bilang ng biktima ng paputok tuwing unang araw ng taon at karaniwan sa mga biktima ay mga bata.

    Ito ay dahil sa ang mga bata ang karaniwang namumulot ng mga paputok na nagmintis.

    “Nakahanda ang trauma center ng BMC at maging ang bawat district hospitals natin para sa mga naputukan,” ani Badjao patungkol sa mga district hospitals na matatagpuan sa bayan ng Hagonoy, Bulakan, Calumpit, Baliuag, San Miguel at Sta. Maria.

    Ipinagmalaki niya na ang mga duktor sa mga nasabing pagamutan ay mataas ang kasanayan at kakayahan sa paggamot sa mga nasugatan; bukod pa sa nakahanda ang mga pasilidad at mga gamot.

    Maging ang mga nababril at mga naaksidente sa sasakyan sa panahon ng dalawang sunod na pagdiriwang ay pinaghandaan na rin ng mga pagamutan.

    Bukod sa mga ito, sinabi ni Badjao na dapat ding mag-ingat sa pagkain ang bawat  isa.

    “Kapag ganitong mga selebrasyon karaniwang nakakalimot tayo sa pagkain, napaparami ang kain natin,” ani Badjao.

     Ipinaliwanag niya na ang pagkain ng marami, partikular na ng maaalat, matatamis at mamantikang pagkain ay delikado sa mga may sakit sa puso, mag may alta-presyon at maging sa mga may sakit na diabetes.

    “Ingat lang po sa pagkain, hinay-hinay lang tayo,” paalala pa ni Badjao.

    Para naman sa mga may hika at asthma, sinabi ng duktor na ang mga ito karaniwang inaatake kapag nakalanghap ng usok.

    Ipinayo niya na umiwas ang mga taong may sakit na hika sa mga lugar na marmi ang nagpapaputok dahil ang usok ng paputok ay maaring maging sanhi ng hika.

    Upang makaiwas naman sa peligro, ipinayo niya na agad na kumonsulta sa mga duktor sa pagamutan.

    Para naman sa mga naputukan, ipinayo rin niya na dapat ay hugasang mabuti ang sugat kung hindi rin lang makakapunta agad sa ospital. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here