LUNGSOD NG MALOLOS – Desidido si Health Secretary Enrique Ona na baguhin ang paraan ng pagdiriwang ng Bagong Taon sa bansa sa pamamagitan ng panukalang pagsasagawa ng mga fireworks display.
Si Ona ay nasa lungsod na ito noong Huwebes bilang panauhing pandangal sa pagbubukas ng ilaw ng higanteng Christmas tree sa harap ng kapitolyo na tinampukan ng 10-minutong pailaw na gawa sa Bulacan.
“I wish this will serve as the beginning on how we will change the way Filipinos celebrate New Year,” ani Ona patungkol sa 10-minutong fireworks display.
Binigyang diin niya na ito ay isang magandang halimbawa upang ipakita ang alternatibo ngunit ligtas na paraan sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Batay sa tala ng Department of Health (DOH), mahigit sa 1,000 katao, karaniwan mga bata ang nasugatan noong 2010 dahil sa paputok.
Ayon kay Ona, ang pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon ay dapat puno ng kasiyahan.
Ngunit para sa ilang Pilipino na mahilig gumamit ng paputok sa mga nasabing pagdiriwang, ang kasiyahan ay napapalitan ng kalungkutan.
Ayon kay Ona, bukod sa pagpapaputok ng mga rebentador na nagiging sanhi ng pagkasugat at dalamhati, may iba pang paraan upang maipagdiwang ang Pasko at Bagong taon.
Ito ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga fireworks display kung saan ay mga taong may kasanayan ang magsasagawa at magsisindi ng mga mitsa.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Ona na 10 lungsod na sa kalakhang Maynila ang nagpahayag ng interes para sa pagsasagawa ng fireworks display upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang nasasakupan sa mga aksidente ng pagkasugat.
Iginiit pa niya na ang pagsasagawa ng fireworks display ay bahagi ng kanilang bagong kampanyang tinaguriang APIR o “Aksyon: Paputok Injury Reduction”.
Ayon pa Kay Ona, ang APIR ay isa ring palatandaan ng pagsuporta ni Pangulong Benigno Aquino III sa lokal na industriya ng paputok.
Matatandaan na sa mga nagdaang taon, ang DOH ang nanguna sa pagsasagawa ng kampanyang “Iwas Paputok” na ayon sa Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc., (PPMDAI) ay isang dagok sa kanilang industriya.
Ayon kay Ona, ang APIR ay isang pagtalikod ng DOH sa kampanyang Iwas Paputok; at isang pagsang-ayon sa kampanya ng PPMDAI na “Ingat Papautok.”
Ikinagalak naman ng PPMDAI ang panibagong kampanya ng DOH dahil higit na nilang matututukan ngayon ang kampanya laban sa mga smuggled pyrotechnics products.
Ayon kay Celso Cruz, ang president emeritus ng PPMDAI, patuloy ang pagdami sa merkado ng smuggled pyrotechnics products dahil sa pagkukulang sa pagbabantay ng Bureau of Customs.
Inayunan naman ito ni Gob. Wilhelmino Alvarado na nagsabing ang pinahihirapan ng mga smuggled products ay ang mga produktong gawa sa Bulacan.
“How can our local manufacturers compete with smuggled products when they are sold at very low price,” ani Alvarado at sinabing ang mga smuggled products ay nagkakahalaga lamang ng P400 samantalang ang gawa sa Bulacan ay umaabot sa P800 ang puhunan.