Nitso nagsilutang sa baha, kumalat sa memorial park

    340
    0
    SHARE

    PUNTOD. Dahil sa malakas na agos ng malalim na pagbaha, naanod ang mga burial vaults sa Calumpit Garden Memorial Park.

    Ayon sa caretaker, mabuti na lamang at naisara niya ang gate dahil kung hindi ay aanurin ng baha ang mga nasabing burial vaults. Kuha ni Dino Balabo

    CALUMPIT, Bulacan—Ikinagulat ng mga residente sa binahang bayang ito ang nagkalatna selyadong burial vault sa Calumpit Garden Memorial Park na matatagpuan sa Barangay Balungao.

    Ngunit ikinatuwa ito ng ilan at nagsabing “maagang trick or treat iyan sa Halloween” dahil eksaktong isang buwan bago dumating ang todos los santos ay nagsilutang ang mga vault na may mga lamang bangkay.

    Ang mga nasabing vault ay nasa loob pa rin ng bakuran ng Calumpit Garden Memorial Park, ngunit kung hindi naisara ng caretaker na si Amay Villasan ang rehas na gate ng memorial park ay posibleng inanod ng malalim na baha ang mga ito.

    Sa kasalukyan ay tuyo na ang loob ng memorial park ngunit ilan sa mga vault ay nakakalat pa rin ng makunan ng larawan ng mamamahayag na ito noong Biyernes, Oktubre 14.

    Ilan sa mga residente ang nagsabi na posibleng nahukay ng tubig baha ang puntod na pinagbaunan sa mga vault.

    Ngunit ipinaliwanag ni Villasan na ang mga lumutang na vault ay hindi na naibabaon dahil hindi pa nakukumpleto ng mga kaanak ng namatay ang bayarin sa pagpapalibing.

    “Pag kasi naibaon na yung mga vault, kahit anong paniningil ay hindi na kami pinapansin ng pamilya,” ani Villasan.

    Sinabi niya na ilan sa mga vault ay maraming buwan ng naghihintay na maibaon dahil hinihintay pa nila ang kabuuang bayad.

    Sa kabila nito, tiniyak ni Villasan na ligtas ang mga mga vault dahil selyado ang mga ito.

    Sa pagdating naman ng Todos Los Santos, sinabi ng caretaker na kahit na hindi pa naibabaon sa hukay ang mga vault ay matutulusan ito ng kandila dahil may espasyo sila na nagsisilbing parking space ng mga ito.

    Kaugnay nito, halos lahat ng mga pribado at pampublikong sementeryo sa bayang ito at maging sa katabing bayan ng Hagonoy ay nagsilubog sa baha.

    Gayunpaman, samantalang ligtas ang mga nitso nangangamba naman ang ilang residenteng nakatira di kalayuan sa mga sementeryo na baka magsikatas ang mga iyon at pagsimulan ng sakit.

    Sa bayan ng Hagonoy binigyang diin ng mga residente ang isang pribadong sementeryo na karaniwa’y lubog maging sa high tide.

    Dahil dito, ilang residente ang nagsabi ng pabiro, “Kawawa naman ang nakalibing diyan, baka malunod.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here