PERSONAL NA KARANASAN
    Kasabay ng trabaho ay paghingi ng saklolo

    377
    0
    SHARE

    HAGONOY, Bulacan – Ika-apat na araw pa lamang ng 10-araw na kalamidad na sanhi ng pagbahang hatid ng bagyong Pedring ay naisip ko ng isulat ang aking sariling obituaryo.

    Araw ng Sabado noon, Oktubre 1, ika-apat na araw ng walang kuryente, kinakapos na kami sa tubig, inumin at pagkain samantalang patuloy ang pataas ng tubig baha na sa huling 24 na oras ay umangat ng halos apat na talampakan ang lalim.

    Maliban sa mga nabanggit, payapa ang umagang iyon, maganda ang sikat ng araw sa kabila ng pagbabanta
    ng pagdating ng bagyong Quiel na posibleng maghatid ng dagdag na tubig baha. Naisip ko, kapagnadagdagan pa ang baha, saan kaya matutulog ang aking pamilya.

    Nasa ikalawang palapag na kami ng bahay at ang bubong ay nagsilbi ng kusina at pansamantalang laruan ng aking apat na taong gulang na anak.

    Paubos na rin ang baterya ng aking cellular phone, samantalang ubos na ang baterya ng aking dalawang laptop na magkasunod kong ginamit noong Huwebes at Biyernes matapos kong irecharge sa kapitolyo noong
    Miyerkoles.

    “Bakit aalis ka, malalim na ang tubig,” ang nagaalalang sabi ng aking maybahay na si Joyce patungkol sa tubig habang hanggang dibdib ko sa labas ng bahay namin at hanggang tiyan ko sa loob ng bahay.

    Kasalukuyan noong binabalot ko sa plastic ang aking mga cellular phone at laptop na dadalhin upang kung umulan man o madapa ako sa baha ay hindi basta mababasa. “May masasakyan ka ba, wala daw  nakakapasok na sasakyan sa Hagonoy,” babala pa niya sa akin ng hindi ako tumugon sa una niyang tanong.

    Totoo ang kanyang tinuran dahil sa hindi na rin sa wala akong impormasyon kung may nakakabiyahe papasok at palabas ng Hagonoy. Ang huling impormasyong natanggap ko hinggil sa sasakyang palabas ay noon pang
    Huwebes ng gabi kung kailan ay hindi ka kalaliman ang baha.

    “Maglalakad kami,” ang paiwas kong tugon kay misis patungkol sa 1 aking 19-taong gulang na pamangking lalaki. Matapos kong ihanda ang aking dadalhin, nagpalit na ako ng bihisan.

    Isinuot kong muli ang basing maong short pants na ginamit ko noong sinundang araw sa pagtataas ng gamit namin sa silong. At habang isinusuot ko ang aking sombrero ay tinanong naman ako ng aking anak na i  Bethany Eirene.

    “Daddy, aalis ka ba,” tanong niya na sinagot ko ng “oo, anak.” “Saan ka pupunta,” ang kasunod na tanong ni Bethany Eirene habang tinataniman ko ng isang halik sa pisngi.

    Katulad ng lagi kong sinasabi sa kanyang tuwing aalis ako ng bahay, sinabi ko kay Bethany, “anak, magwo-work sandali si Daddy.” Pagkatapos ay binuhat ko na ang bag ko at nanaog ng bahay. Habang naglalakad sa hanggang dibdib at maagos na baha, naalala ko ng paalam ko kay Bethany  Eirene na magtatrabaho ako.

    Totoo, bahagi ng aking pag-alis sa bahay ay ang maliit na pagkakataon na makapagpadala ako ng istorya at mga larawan ng baha sa pahayang Philippine Star kung saan ako nagtatrabaho bilang correspondent mula noong Pebrero 2006.

    Ngunit mas malaking layunin ng aking pag-alis sa bahay ay makahingi ng saklolo mula sa mga taong nasa labas ng Hagonoy sa pamamagitan ng pagbabalita ng kalagayan ng buong bayang lubog sa baha na kapos na
    pagkain particular na sa inumin dahil apat na araw ng walang kuryente.

    Naisip ko, tiyak na marami ang naghahanda ng relief goods, ngunit walang halaga ang mga iyon kung walang tubig inumin.

     Kaya, hindi man lumabas sa pahayagan ang nasabing istorya kinabukasan ay malalaman naman ito ng mga taong sumusubaybay sa aking personal na Facebook account at maging ng sa pahayagang  Mabuhay.

    Pagdating namin ng aking pamangking si John Virgilio sa kalsada patungo sa kabayanan ng Hagonoy, binulaga kami ng napakaraming tao na naglalakad sa may dalawa hanggang tatlong talampakang lalim ng tubig baha.

    Karaniwan sa kanila ay may dalang asul na gallon ng tubig at nagsisipaghanap ng makukunan ng inumin. Sa kabayanan, mas mahaba ang pila ng mga taong may asul na galon ng tubig.

    Higit naming ikinagulat ang kawalan ng sistema sa transportasyon palabas ng Hagonoy. May trak ng bumbero sa munisipyo at isang dump truck ngunit kapwa daw naubusan ng krudo. Maging ang gererator sa munisipyo ay naubusan ng krudo kaya cellular phone ko man ay hindi mai-recharge.

    Halos alas-11 na ng umaga ng magdesisyon akong lakarin na namin hanggang sa tulay ng Halang sa barangay San Agustin sa pamamagitan ng pagtawid sa tubig bahang hanggang bewang at sa ibang bahagi ay hanggang dibdib.

    Ito ay matapos kong makausap ang dating kaklase na naglakad patungo sa bayan mula sa Halang. Parang may prusisyon ng tao sa lansangan dahil sa dami. Ang kaibahan lang ay may malalim na baha. Dahil sa dami ng tao, hindi kami nainip kahit mabagal ang paglalakad.

    Naghatid din sa akin ng lakas ng loob ng aking makita ang ilang kababaihan at mga may edad na naglalakad sa baha. Naisip ko, kung kaya nila, kaya ko rin.

    Ngunit pagdating namin sa mga bahagi ng lansangan patungo sa tulay ng Halang kung saan ay malalim at higit na mabilis ang agos ay naisip ko, “dapat pala sinulat ko muna ang aking obituaryo.”

    Ito ay sa isiping mamatay man ako at makita ang aking namamagang bangkay matapos ang ilang araw ay hindi ako magmukhang tanga na sa kabila ng malalim at maagos na baha ay umalis ng bahay kung saan ay mas
    ligtas ako. Nagbalik na muli ang isiping ito ng kami at pauwi na bandang alas-7 ng gabi.

    Nakapanggaling na kami noon sa Ciudad Clemente Resort sa Paombong kung saan ako naki-charge ng  cellphone at laptop at nakapag email ng istorya at mga larawan sa Philippine Star.

    Mas malungkot ang aming pag-uwi. Iilan na ang naglalakad sa kalsada, mas lumalim pa ang baha at tanging mga tulaylamang hanggang Paombong ang litaw, malakas ang ulan at hangin ng bagyong Quiel, mas mabigat ang aming dala pauwi dahil bumili kami ng tubig inumin sa Paombong, at higit sa lahat madilim ang buong paligid dahil walang kuryente.

    Nanghinayang tuloy ako dahil hindi ako nakapagdala ng flashlight. Pagdating namin sa hangganan ng Barangay San Agustin at Sto. Nino, isang babae na nakilala ko sa pangalang Elena Santos, 52 ang nagpaakay sa akin dahil hindi makalakad sa malalim na baha.

    Galing daw siya sa bahay ng Kapitan ng Barangay Sto. Nino para humingi ng gamot sa hinihikang anak, ngunit walang nakuhang gamot. Ang malungkot, sarado ang Emilio G. Perez Memorial District Hospital, maging ang Mercury Drug dahil sa malalim na baha.

    Sa kabuuan, mahigit na 20 kilometro ang aming nilakad mula bahay hanggang Paombong at pauwi. Sa buong panahon na aming ginugol ng aking pamangkin sa paglalakad sa baha, hindi kami halos nakaramdam ng pagod maliban na lamang noong nakatigil kami sa Ciudad Clemente ng may tatlong oras.

    Hindi rin ako nakaramdam ng ginaw kahit malakas ang ulan at hangin at malalalim ang baha dahil sa tuloy-tuloy ang aming paglalakad. Pagdating sa bahay, nagbuhos lang ako ng malinis na tubig, kumain at nakipagkwentuhan kay Bethany Eirene.

    Siyempre,napakarami niyang tanong kung ano ang nangyari sa aking “pagwowork” ng araw na iyon.

    Kinabuksan, araw ng linggo, matapos akong magpadala ng panibagong istorya at mga larawan sa Philippine Star ay tinunghayan ko ang website nito. Laking gulat ko ng makita ko na nag-banner ang aking istorya at larawan sa baha sa Hagonoy na frontpage nito.

    Kinumpirma pa ito ng aking kaibigang si Joey Aguilar ng Punto Central Luzon sa pamamagitan ng text message.

    Naisip ko, nasulit ang aming paglalakad sa baha ng 20-kilometro noong sinundang araw. Pero mas
    higit na nasulit ang sakripisyong iyon dahil ang mga relief goods na inihatid sa Hagonoy ng mga sumunod
    na araw ay may kasamang mga bote ng tubig inumin.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here