Relasyon ng Papa at mga paring Bulakenyo tampok sa photo exhibit

    349
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan – Tampok ang malapit na relasyon ng yumaong si Papa Juan Pablo II at mga paring Bulakenyo sa isinasagawang eksibisyon ng larawan sa  Lungsod ng Malolos simula noong Mayo 2.

    Kaugnay nito, inilahad ng mga pari at iba pang Bulakenyo ang kanilang pananaw at karanasan sa maikling sandali na nakadaupang palad ang yumaong dating pinuno ng simbahang Katoliko.

    Ang eksibisyon ng mga larawan ay pinasimulan sa Pastoral Center ng Diyosesis ng Malolos sa loob ng bakuran ng Basilica Minore na dating kilala bilang Katedral ng Malolos.

    Kabilang sa mga larawan ay ang mga larawang kuha ng mga pari mula sa Diyosesis ng Malolos at mga larawang nagpapakita na kasama ng Papa ang mga pari.

    Bukod dito, ilang mga souvenir items or gamit pang-alala at iba pang maliliit na bagay na may kaugnayan sa Papa na inipon ng mga pari ang ipinakita sa nasabing eksibisyon.

    Ayon kay Father Prospero Tenorio, ang kura ng parokya ni San Antonio De Padua sa Barangay Iba O’este sa bayang ito, ang eksibisyon ay naglalayon na ipakita sa madala ang malapit na relasyon ng Papa sa mga paring Bulakenyo.

    “It’s a big event and a rare opportunity to see how the Pope John Paul II used to welcome us and how he touched our lives,” ani Tenorio na siyang nagsisilbing tagapangulo ng Commission on Formation ng Diyosesis ng Malolos na binubuo ng mga simbahang Katoliko sa lalawigan ng Bulacan at maging sa Lungsod ng Valenzuela na dating bahagi ng lalawigan.

    Ayon kay Tenorio, hiniling sa kanila ng Diyosesis sa pamumuno ni Obispo Jose Francisco Oliveros na hanapin at ilabas ang mga lumang larawan na kanilang naipon patungkol sa Papa upang iyon ay maibilang sa eksibisyon.

    “Nakakatuwa rin dahil sa marami sa amin ay naghanap pa sa mga lumang baul,” ani Tenorio at iginiit na muling nagbalik sa kaniyang alaala ang karanasan kasama si Papa Juan Pablo II ng makita niya ang kanilang lumang larawan.

    Bilang isang pari, ikinuwento niya na minsan ay nakasama niya at ng 12 pang paring nakaklase niya sa San Carlos Seminary ang Papa.

    “We were celebrating our 10th year as priests in 1998 ng bigyan kami ng pagkakataon ni Pope John Paul II na makasama siya sa kanyang vacation house in Castel Gandolfo, Italy,” ani Tenorio.

    Sa panahon ng kanilang pakikipag-usap sa Papa, inilarawan niya ito bilang isang masayahin o “jolly person.”

    Bukod sa pagiging masayahing kausap ng Papa, sinabi ni Tenorio na nagdiwang din sila ng isang misa kasama ang Papa.

    Sa kabila naman ng pagiging masayahin ng Papa, sinabi ni Tenorio na ang katangian nito na higit na nagbigay impresyon sa kanya ay ang pagiging madasalin, at mga pananaw na tapat kay Kristo at sa simbahan.

    “He also gave importance to conversion which translates to charity and his charisma,” ani Tenorio.

    Sinabi pa ng pari na ang katangian naman ng Papa na naging dahilan upang higit itong mapamahal sa mga Bulakenyo ay ang natatanging pagmamahal at paggalang nito kay Birheng Maria.

    Ito rin ang katangian ng mga Pilipino na napamahal sa Papa kaya’t inilarawan daw ng Papa ang bansa bilang “Pueblo Amante De Maria” o ang bansang nagmamahal kay Maria.

    Para naman kay Fr. Rolando De Leon, ang kura ng Parokya ng Birhen ng Fatima na matatagpuan sa bayan ng Marilao, ang mga katangian ng Papa na tumawag ng pansin ng mga Pilipino ay ang pagiging simple niya at larawan ng isang ama.

    “Filipinos will always remember the simplicity of Pope John Paul II and his fatherly image,” ani De Leon.
     


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here