Buntis na namamatay sa Bulacan, dumarami

    547
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan – “Nakakaawa yung nakasabay kong buntis na nagpatingin sa duktor, limang buwan pa lang na buntis hindi na makalakad, inaakay na.”

    Ito ang may lungkot na kuwento ng aking maybahay na si Joyce matapos kumonsulta sa kanyang duktor habang ipinagbubuntis ang aming supling na si Bethany Eirene, apat na taon na ang nakakaraan.

    Hindi na naging palaisipan sa akin kung bakit hindi makalakad ang buntis na kanyang nakasabay sa pagkonsulta sa klinika.  Ito ay dahil na rin sa mga impormasyong aking naipon at natutunan ko bilang isang mamamahayag sa ibat-ibang seminar na dinaluhan tungkol sa family planning, populasyon at maternal health care.

    Batay sa impormasyong handog ng mga dalubhasang nagsaliksik, tumataas ang bilang ng mga nagbubuntis ng madalas at maaga.

    Sabi nga nila, “over-used” o kaya ay “very young” ang sinapupunan ng mga nagbubuntis sa kasalukuyang panahon, kaya’t apektado ang kalusugan ng ina at ng sanggol sa sinapupunan.  Kung minamalas pa, isa sa kanila o kapwa sila namamatay sa panahon ng pagbubuntis o pagkatapos ng panganganak.

    Hindi tugma sa kalagayan namin ni Joyce ang resulta ng pagsasaliksik na ito dahil halos 30-anyos na siya ng magbuntis, samantalang ako naman ay 36 na noon, at ayon sa kantiyaw ng aking mga barkadang mas naunang nag-asawa, “nahuli ka kasing naglandi.”

    Apat na taon na ang resulta ng pag-aaral na iyon ngunit totoo pa rin ang nilalaman para sa mas nakakaraming Pilipino, partikular na sa mga Bulakenyo ngayon.

    Ito ay kinumpirma ng Provincial Health Office (PHO) para sa public health sa pangunguna ni Dr. Joy Gomez, na nagsabing tumaas ang insidente ng maternal deaths o namatay na buntis sa lalawigan sa nagdaang taon.

    Batay sa tala, sinabi ni Gomez na 38 buntis ang namatay sa lalawigan sa nagdaang taon. Higit itong mataas sa bilang na 30 na naitala para sa taong 2008.

    Sa pahayag ni Gomez, nakumpirma din niya na ang resulta ng pag-aaral na aking nabanggit sa unang bahagi ng kuwentong ito, dahil isa sa mga namatay na buntis sa lalawigan noong 2009 ay mababa pa ang edad 18.

    Bukod dito, 12 sa mga namatay na buntis sa lalawigan sa nagdaang taon ay may edad lamang na nasa pagitan ng 18 at 34-taong gulang.

    Naisip ko, hindi na rin ako dapat nainis sa kantiyaw ng aking mga barkadang mas maagang nag-asawa na ako daw ay nahuli sa paglalandi.

    Ito ay dahil sa posibilidad na kung maaga akong nag-asawa o higit na mas bata ang aking napangasawa, ay baka batam-bata akong biyudo ngayon.

    Bukod sa pagiging bata at madalas na panganganak, sinabi ni Gomez na may iba pang dahilan ng pagkamatay ng mga buntis sa Bulacan na tinawag niyang “three-D’s” of maternal deaths.

    Ang “three-D” na ito ay patungkol sa “delay in deciding medical care,” “delay in identifying and reaching appropriate care,” at “delay in receiving appropriate and adequate care in the facility.”

    Tagalugin natin. Naantala daw sa pagdedesisyon na kumonsulta sa duktor. Naantala sa pagtukoy kung ano ang pangangailangang medikal. At naantala sa pagtanggap ng akma at sapat na pagtugon sa pagamutan.

    “Based on our study, we found that people lack information on what to and where to go to seek medical care,” ani Gomez at iginiit na bahagi ang ugali pananaw ng pasyente sa mabagal na pagdedesisyon ng mga ito sa paghingi ng tulong medikal sa mga pagamutan.

    Ngunit hindi rin niya itinanggi ang kakulangan ng lalawigan sa pasilidad na medikal at mga taong may kinalaman sa paggamot at paghahatid ng serbisyong medikal.

    Ayon kay Gomez, “malaki ang deficit natin sa facilities at healthcare manpower.”

    Batay sa tala ng PHO, ang mga pagamutang nasa ilalim ng pamamahala ng kapitolyo sa Bulacan ay mayroon lamang kabuuang 940 manpower o manggagawa.

    Kabilang dito ang 67 duktor, at ayon kay Gomez, kailangang dagdagan ang bilang na ito ng 34 pang duktor upang matugunan ang sapat at akma ang pangangailangang medikal ng may 3.2-milyong Bulakenyo.

    Maging ang mga pasilidad ng mga pagamutan ay kulang kaya’t siksikan ang mga pasyente sa BMC at mga district hospital sa lalawigan.

    Ang kalagayang ito ay posibleng maghatid ng dagdag na sakit sa mga pasyente at kapamilyang dumadalaw sa kanila, dahil habang dumadami ang natitipong tao sa iisang lugar ay tumataas ang posibilidad ng pagkakahawa-hawa sa sakit.

    Isang halimbawa ay ang BMC emergency room na itinayo may 20 taon ang nakakaraan, kung kailan ang populasyon ng lalawigan ay nasa 1-milyon lamang.

    Maging ang bilang ng duktor sa BMC emergency room ay kapos dahil sa tatlo lamang ang nakatalaga doon, magkakaiba pa ng espesyalisasyon, samantalang halos bawat tuwing ika-30 minuto ay may ipinapasok na pasyente.

    Para naman kay Gob. Willie Alvarado, sisimulan na sa susunod na taon ang konstruksyon ng mas malaki at modernong emergency room ng BMC; bukod sa planong konstruksyon ng mga district hospital sa ibat-ibang bayan.

    Kaugnay nito, nagpahayag ng pangamba ang ilang health workers sa lalawigan hinggil sa radikal na pagbabago sa programa ng kapitolyo sa family planning.

    Ito ay dahil sa mas pabor sa natural family planning method si Alvarado na nagsabi pa na hindi niya ieendorso ang artificial family planning method na isinusulong ng pamahalaang pambansa sa pamamagitan ng Department of Health (DOH).
     
    Ayon sa ilang health workers sa lalawigan, kailangan magsagawa ng malawakang kampanya sa natural family planning ang kapitolyo.

    Ito ay dahil sa halos hindi nagtagumpay ang kampanya ng pambansang pamahalaan hinggil sa artificial family planning method sa kabila na ito ay suportado pa ng mga television advertisement.

    Ayon sa mga health workers, ang di pagtatagumpay ng pambansang pamahalaan sa kampanya sa family planning ay masasalamin sa pagtaas ng bilang ng mga di planadong pagbubuntis, at pagtaas ng bilang ng namamatay na buntis sa bansa at sa Bulacan. 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here