Search and destroy dengue pinaigting

    416
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Pinaigting pa ng Bulacan ang kampanyang search and destroy kontra dengue matapos magdeklara ng state of calamity upang mapigilan ang pagtaas ng kaso kung saan ay 14 na ang namatay mula Enero.

    Kabilang sa kampanya kontra dengue ay ang libo-libong Barangay Health Workers (BHW), Lingkod Lingap sa Nayon (LLN) volunteers, Mother Leaders, mga guro at maging mga opisyal at kawani ng mga pamahalaang lokal.

    “Kailangan sirain ang mga breeding ground ng mga lamok na may dengue para mapigil ang pagtaas ng kaso,” ani Dr. Joycelyn Gomez, ang hepe ng provincial public health office.

    Sinabi niya na layunin ng malawakang kampanya laban sa dengue na mapigil ang mabilis na pagtaas ng bilang ng kaso nito.

    Batay sa tala ng provincial public health office mula Enero hanggang Setyembre 25, umabot na sa 2,299 ang kaso ng dengue sa lalawigan sa taong ito.

    Ito ay mas mataas ng 1,808 sa naitalang 491 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

    Tumaas naman sa 14 ang bilang ng namatay sa dengue sa taong ito kumpara sa naitalang siyam noong nakataang taon.

    Batay pa sa tala ng provincial public health office, lima ang naitalang namatay sa Lungsod ng San Jose Del Monte, ang pinakamataas na bilang ng namatay sa dengue sa lalawigan; tatlo naman sa lungsod ng Meycauayan; bayan ng Marilao; dalawa sa Lungsod ng Malolos; at may tig-isa sa mga bayan ng Plaridel, Bocaue, Balagtas.

    Ayon kay Gomez, ang biglaang pagtaas ng kaso ng dengue sa lalawigan ay dahil na rin sa mas pinalawak na pag-uulat sa mga kaso nito.

    Sinabi niya na maging ang mga pribadong ospital ay nagbigay sa kanila ng ulat sa taong ito, samantalang ang kanilang naitalang bilang ng kaso noong nakaraang taon ay batay lamang sa ulat ng mga government hospitals.

    Gayunpaman, batay sa tala; ang 62 porysento o 1,430 kaso ng dengue na naitala ngayong taong ito ay mula sa ulat ng mga government hospitals; samantalang ang 24 porsyento o 561 kaso ay nagmula sa mga pribadong pagamutan.

    Ang siyam na porsyento o 197 kaso ay mula sa mga city at municipal health officers; at ang limang porsyento o 111 kaso ng dengue ay iniulat ng mga rural health units.

    Dahil sa kalagayang ito, nagdeklara ang kapitolyo ng State of Calamity na pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan noong Lunes.

    Ayon kay Gomez, mula pa noong Agosto ay nagdeklara na ang kapitolyo ng dengue alert sa lalawigan na naging dahil para sa mobilisasyon sa kalinisan at nagbunga ng pagbaba ng bilang ng kaso sa mga sumunod na buwan.

    Ngunit sa kabila ng pagbaba ng bilang ng kaso, nananatiling mataas ang kaso ng dengue sa lalawigan, at ayon kay Gomez ay nasa epidemic level pa rin.

    Inayuan naman ni Mayor Christian Natividad ng Malolos ang pagiging epektibo ng paglilinis sa kapaligiran.

    “Cleanliness is the key in fighting dengue,” aniya at sinabing bumaba sa 78 ang naitalang bilang ng kaso ng dengue sa Malolos sa buwan ng Setyembre kumpara sa naitalang 94 kaso noong Agosto.

    Kaugnay nito, sinabi ng kapitolyo na nagbukas na rin sila ng dengue expresslanes sa mga government hospitals sa lalawigan bukod sa libreng pagpapagamot sa mga mahihirap o indigent patients.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here