Positibong pagbabago sa election coverage sa halalan pinuri ng CMFR

    662
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MAKATI—Pinapurihan ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) ang mga bumubuo sa industriya ng pamamahayag sa bansa dahil sa higit na magandang pag-uulat ng mga kaganapan sa nagdaang automated elections kumpara sa dalawang naunang halalan sa bansa.

    Ito ay dahil sa higit na pinagplanuhan, pinag-isipan, pinaghandaan ng pondo at pinagpaguran ang pagsasagawa ng mga mamamhayag sa radyo, telebisyon, pahayagan at maging sa “new media” o internet ang pagsasagawa ng coverage o pag-uulat.

    “The Philippine media did a better job in the automated elections, they really exerted efforts, they planned and made noticeable improvements,” ani Melinda Quintos-De Jesus, ang punong tagapagpaganap ng CMFR, isang media watch dog sa bansa.

    Ang papuri ng CMFR ay inihayag sa AIM Conference Center sa lungsod na ito noong Miyerkoles, Setyembre 22 kung kailan ay kanilang isinagawa ang “Briefing on the News Media Coverage of the 2010 Elections.

    Sa nasabing briefing, inilabas ng CMFR ang mga inisyal na resulta ng kanilang monitoring. Ang kabuuang resulta na kanilang isasalibro at ilalabas bago matapos ang taon.

    Ilan sa mga positibong pagbabago sa pag-uulat ng mga mamamahayag sa nagdaang halalan na binigyang pansin ng CMFR ay ang mga sumusunod:

    *1,064 na balita ang binigyan ng sapat na background o higit na impormasyon kumpara sa 583 balitang kulang sa background na inilabas sa “TV Patrol” ng ABS-CBN, “24 Oras” ng GMA Network at TeleRadyo” ng National Broadcasting Network (NBN-4).

    *Umabot lamang sa 72 balita ang inilabas ng tatlong himpilan hinggil sa mga survey na tinaguriang “horse race” reporting kumpara sa 1,294 iba pang balitang panghalalan.

    *113 balita lamang ang personality oriented.

    *Mas maaga ang pagsasahimpapawid ng mga candidate forums o mga debate sa nagdaang halalan kumpara noong 2004 at 2007 kung kailan ang mga katulad na palabas ay isinasahimpapawid kung hating gabi.

    *Nagbigay din ng espasyo ang mga pahayagan tulad ng Philippine Star para higit na makilala ang mga kandidato.  Ang Philippine Star ay regular na naglathala ng pitak na “Vote 2010.”

    Ngunit sa kabila ng mga positibong pagbabagong ito, may mga pagkukulang pa ring pinansin ang CMFR sa pagbabalita ng mga mamamahayag sa nagdaang halalan.

    Kabilang dito ay ang mababang bilang ng mga balitang tumukoy sa usaping pangkaunlaran (development) na umabot lamang sa 80 kumpara sa kabuuang 1,647 balita.

    Mas natutok din ang atensyon ng mga mamamahayag sa mga pangunahing kandidato sa pagka-Pangulo ng bansa, at parang nakalimutan ang mga kandidato sa pagka-Bise-Presidente, Senador at mga Party-list.

    Ayon kay Quintos-De Jesus, ang mga positibong pagbabago sa news coverage ng nagdaang halalan ay mauugat sa mga rekomendasyon ng CMFR sa mga naunang halalan.

    “Hindi naman sa nagbubuhat kami ng bangko, but we really insisted in the past that airing of debates be done earlier than they used to air it,” ani Quintos-De Jesus.

    Bilang isang media-watch dog, ang CMFR na inorganisa noong 1989 ay nagsagawa ng monitoring sa news coverage sa 2004 at 2007 elections.

    Sa mga nasabing halalan, sinuri ng CMFR ang kalidad ng news coverage at iyon ay kanilang isinalibro at ipinadala sa mga himpilan ng radyo, telebisyon at maging sa mga tanggapan ng mga pahayagan.

    Ito ay upang maging gabay ng mga media organizations ang kanilang pagsusuri at maging batayan ng pagbabago sa coverage sa mga susunod na halalan.

    “We always send them copies of our monitoring reports and we are very grateful because many of them actually implemented some of our recommendations,” ani Quintos-De Jesus at idinagdag pa na,  “it’s a good sign that we can still improve our democracy.”

    Sa nagdaang automated elections, higit pang napalawak ang monitoring ng CMFR sa tulong ng Cebu Citizen’s Press Council na nagsagawa rin ng katulad na monitoring sa mga pahayagan, at mga himpilan ng radyo at telebisyon sa nasabing lungsod.

    Ayon kay Quintos-De Jesus, ang pamamaraang ginamit nila sa monitoring ay “content analysis” kung saan ay sinusuri nila ang tema, nilalalaman at haba ng balita. 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here