CHARACTER MUNICIPALITY:
    Kilusan sa mabuting pag-uugali inilunsad sa unang araw ng Angel Festival sa San Rafael

    533
    0
    SHARE
    SAN RAFAEL, Bulacan – Hango kay Arkanghel Rafael ang ngalan ng bayang ito na ngayon ay naglalayong mapalaganap ng mala-anghel na ugali sa pamamagitan ng paglulunsad ng “Character Municipality.”

    Ang paglulunsad ay isinabay sa unang araw ng siyam na araw na pagdiriwang ng “Angel Festival” noong Lunes, Setyembre 20 at matatapos sa Miyerkoles, Setyembre 29.

    Ayon kay Mayor Lorna Silverio, ang paglulunsad ng San Rafael bilang isang “Character Municipality” ay naglalayon na mapalaganap ang mabuting ugali sa bawat mamamayan na magpapatibay ng relasyon sa bawat isa na inaasahang maghahatid ng kaunlaran.

    Sinabi niya na ang mabuting pag-uugali ng isang bayan ay nakakahikayat sa mga negosyante na mamuhunan, na maghahatid naman ng dagdag na oportunidad sa mga mamamayan.

    Ayon kay Silverio ang pagpapalawak ng Character movement ay pangungunahan ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang bayan.

    “As public servants, through our examples, we would like the people of San Rafael to commit themselves to build character, to internalize good citizenship,” aniya.

    Ipinaliwanag ng alkalde na hindi na bago ang Character movement dahil ito ay napasimulan na ng ibat-ibang pribadong kumpanya sa Estados Unidos na ginaya ng ibang pamahalaan dahil sa nakita nila ang mabuting bunga nito.

    “It’s a worldwide movement and we would like to align ourselves in this movement,” ani Silverio at sinabing ang Lungsod ng Tagaytay sa Timog Luzon ang kauna-unahang “Character City” sa bansa at ang Sana Rafael ang unang “Character Municipality.”

    Bilang dating kongresista ng ikatlong distrito ng Bulacan, tinangka ni Silverio na ideklara ito bilang isang “Character District” upang mapalaganap ang “character movement” at mas mabigyang pansin ang magadang ugali sa bawat mamamayan tulad ng katapatan, pagiging makatotonahan, makatarungan, maka-Diyos, maka-tao, responsable, at iba pa.

    Ngunit hindi natupad ang pangarap ni Silverio para sa ikatlong distrito dahil sa kakulangan sa oras sa pag-oorganisa sa mga tao.

    Gayunpaman, hindi isinuko ni Silverio ang pangarap para sa paghubog ng mabuting ugali sa mga kababayan, kaya’t ito ay kaniyang inilunsad sa bayang ito.

    “San Rafael is just a part of the third district of Bulacan, its smaller and  can start here,” aniya at sinabing sinusuportahan ng ibat-ibang samahan ang Character Movement.

    Sa kanyang maikling talumpati sa paglulunsad, ipinaliwanag ni Silverio ang kahalagahan ng karakter ng kanyang banggitin ang pahayag ng manunulat na Canadian na si Thomas Chandler Haliburton  na nagsabi ng “the character of the country’s people have a great impact on its happiness. Character is more important than the form of government.”

    Ayon kay Silverio, walang halong pulitika at hindi rin kailangan ng pondo sa paglulunsad ng Character movement dahil ito ay isa lamang kilusan na nagnanais na higit na mabigyang pansin ang mabuting ugali sa mga tao.

    Ayon naman kay Bro. Michael Angelo Lobrin, isang kilalang mangangaral na pari at TV personality, ang unang hakbang sa muling pagyakap ng tao sa mabuting pag-uugali ay ang pag-alala at pag-unawa na sila ay mayroon nito.

    “As humans, we have character, but we keep forgetting it,” ani Lobril at ipinaalala sa mga dumalo sa paglulunsad na ang pagkakatawang tao ng Anak ng Diyos ay naghatid ng dagdag na karakter sa bawat tao.

    Ipinaalala rin niya na ayon sa Bibliya, na ang unang karakter ng tao ay maka-Diyos dahil ang tao ay nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang wangis.

    Ang paglulunsad sa Character movement ay isinabay sa unang araw ng siyam na araw ng ika-siyam na taong pagdiriwang ng Angel Festival sa bayang ito.

    Tampok sa pagdiriwang ng Angel Festival ay ang ibat-ibang timaplak sa pagpapakita ng talento na isasagawa sa SM City Baliuag, mga jobs fair, at parade ng libong estudyante mula sa ibat-ibang paaralan na nakabihis ng kasuotang anghel.

    Tampok din ang demostrasyon ng paggawa ng ibat-ibang produkto mula sa dragon fruit, ang itinuturing na one-town-one –product (OTOP) ng bayang ito.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here