Special elections sa Bulacan sa Nob. 13

    284
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY— Muling binago ng Commission on Elections (Comelec) ang araw ng pagsasagawa ng special election sa unang distrito ng Bulacan at itinakda sa Nobyembre 13, ayon kay Commissioner Gregorio Larrazabal.

    Ito ang ika-apat na pagbabago ng araw ng pagsasagawa ng nasabing special elections mula ng makansela ito noong May 10 automated elections.

    Matatandaan na itinakda ng Comelec ang pagsasagawa ng special elections sa Bulacan noong Setyembre 12, ngunit inilipat sa Oktubre 2 hanggang sa itakda sa Nobyembre 6 at Nobymbre 13.

    Sa panayam ng DWIZ radio noong Sabado umaga, sinabi ni Larrazabal na pinal na ang desisyon ng Comelec en banc.

    “It is now definite, it’s all systems go at wala ng roadblocks dahil naayos na lahat,” aniya ngunit sinabi rin na sa isang linggo pa ilalabas ang guidelines.

    Tiniyak din ni Larrazabal na automated ang special elections, at hindi na kailangang mag-file ng certificate of candidacy ang mga kandidato.

    “It will be automated and there will be no more filing of COCs dahil yung nagfile for May 10 ay considered candidate sa special elections,” aniya.

    Sinabi rin niya na batay sa desisyon ng Comelec en banc, wala na ring campaign period para sa special elections.

    Hinggil sa mga nagfile ng COC noong Disyembre na hindi na kakandidato sa Nobyembre  13, sinabi ni Larrazabal na dapat magsumite agad ang mga ito ng manipestasyon sa Comelec upang hindi na makasama ang pangalan sa iimprentang balota.

    Kaugnay nito nagpahayag ng kalungkutan si dating Gob. Roberto Pagdanganan sa panibagong antala sa halalan.

    “It violates the constitutional right of the people of the first district of Bulacan to be represented in Congress,” ani Pagdanganan na isa sa dalawang kandidato para sa unang distrito na nagfile ng kanilang COC noong nakaraang taon.

    Ang makakatunggali ni Pagdanganan ay si dating Kinatawan Marivic Alvarado na nagsumite rin ng COC noong nakaraang taon.

    Para naman sa ibinasurang lone district ng Malolos, apat ang nagsumite ng COC noong nakaraang taon kabilang si dating Mayor Danilo Domingo na nagsabi hindi na siya kakandidato.

    Ang special elections sa unang distrito ng Bulacan ay nag-ugat sa pagbasura ng Korte Suprema sa lone district ng Malolos dahil daw sa hindi ito nakatupad na 250,000 population requirement.

    Dahil dito, ibinalik ng Comelec ang Malolos sa unang distrito kasama ang mga bayan ng Bulakan, Paombong, Hagonoy, Calumpit, at Pulilan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here