CL handa kay Pepeng

    413
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Handa na ang Central Luzon sa pagdating ng bagyong Pepeng sa bansa ngayong Biyernes, matapos magbabala ang Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa) noong Miyerkoles ng gabi.

    Kapwa nagbawas ng tubig ang Angat Dam sa Bulacan at Pantabangan Dam sa Nueva Ecija noong Martes at Miyerkoles upang maiwasan ang pag-apaw, at bilang paghahanda sa ulan na ihahatid ng bagyo.

    Nagpahayag naman ang Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC) na dapat ay lumikas sa mas mataas na lugar ang mga taong nakatira sa mga gilid ng ilog na inaasahang maapektuhan ng pagtaas ng tubig.

    Batay sa panayam sa isang weather forecaster ng Pagasa na nakabase sa Clark Freeport noong Miyerkoles ng gabi, ang bagyong Pepeng ay inaasahang tatama sa silangang Hilagang Luzon sa Biyernes at maapektuhan nito ang Central Luzon.

    Ito ay higit na mas malakas kumpara sa bagyong Ondoy na humagupit sa Central Luzon at kalakhang Maynila noong Seytembre 26 na naging sanhin ng pagkasawi ng mahigit 250 katao at pagkasalanta ng mga panananim at ari-arian na umaabot sa mahigit P4.5-Bilyon.

    Ayon sa Pagasa, ang bagyong Pepeng ay may bilis na 120-kilometro bawat oras at may bugso ng hangin na aabot sa 130 hangggang 150 kilometro bawat oras.

    Ito ay higit na malakas kumpara sa bagyong Ondoy na may bilis lamang na halos 100 kilometro bawat oras, ngunit hindi pa matiyak kung ito ay maghahatid ng kasing daming ulan na ibinuhos ni Ondoy.

    Bilang paghahanda naman, sinimulan ng Angat Dam na magbawas ng tubig noong Martes kung kailan ay naitala ang 214.63 meters na water elevation.

    Ayon kay Engineer Russel Rigor ng National Power Corporation na namamahala sa Angat Dam, pipilitin nila na mapababa sa 210 meters ang water elevation sa Angat Dam bago dumating ang bagyong Pepeng.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here