MAGKAIBANG PANAHON. Magkaibang proyekto. Ngunit iisa ang mahalagang tanong: Hanggang saan maaaring isakripisyo ang karapatan ng mga katutubo sa ngalan ng kaunlaran?
Noong dekada 1970, sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Sr., mariing tinutulan ng mga katutubong Kalinga at Bontoc sa Cordillera ang Chico River Dam Project. Nanganganib na maapektuhan ng planong pagtatayo ng mga dambuhalang dam ang kanilang mga lupang ninuno, tahanan, sakahan, at mga sagradong pook.
Sa pamumuno ni Macli-ing Dulag, isang iginagalang na pinuno ng mga Kalinga, naging makasaysayan ang kanilang paglaban. Hindi lamang lupa ang kanilang ipinagtatanggol, kundi pati ang kanilang kasaysayan, kultura, kabuhayan, at karapatang magpasya para sa kinabukasan ng kanilang mga pamayanan.
Noong Abril 24, 1980, pinaslang si Macli-ing Dulag. Ngunit hindi natapos sa kanyang pagkamatay ang pakikibaka para sa lupang ninuno. Sa halip, naging simbolo siya ng katapangan at paglaban ng mga katutubo sa mga proyektong nagbabanta sa kanilang mga karapatan.
Kabilang sa mga salitang iniuugnay sa kanyang paninindigan ang makapangyarihang paalalang ito: “Such arrogance to say that you own the land, when you are owned by it! How can you own that which outlives you? Only the people own the land because only the people live forever.”

PAALALA SA BCDA.
Salin sa Filipino: “Napakayabang na sabihing pag-aari ninyo ang lupa, gayong kayo ang pag-aari nito! Paano ninyo maaangkin ang isang bagay na mabubuhay nang mas matagal kaysa sa inyo? Ang mamamayan lamang ang nagmamay-ari ng lupa sapagkat nagpapatuloy ang isang bayan sa paglipas ng mga salinlahi.”
Ngayon, sa panahon ng kanyang anak na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., muling lumilitaw ang mahalagang usapin ng pag-unlad at karapatan ng mga katutubo sa gitna ng planong Pax Silica technology hub sa New Clark City, Capas, Tarlac.
Layunin daw ng proyekto na makahikayat ng pamumuhunan at mapaunlad ang mga industriyang may kaugnayan sa semiconductors, artificial intelligence, at makabagong teknolohiya. Kasabay ng mga pangakong trabaho at kaunlaran ay ang mga pangamba ng mga katutubong Ayta tungkol sa kanilang lupang ninuno, kabuhayan, at kinabukasan.
Iginiit ng Bases Conversion and Development Authority na ang lugar na nakalaan para sa Pax Silica ay nasa labas ng mga kinikilalang ancestral domain. Gayunman, mahalagang seryosohin at linawin ang mga pangamba ng mga Ayta at ng mga tagapagtaguyod ng kanilang karapatan tungkol sa magiging epekto ng proyekto sa mga mga lupain at pamayanang matagal nang nakaugnay sa kanilang kasaysayan at kabuhayan.
Dapat maging malinaw at bukas sa publiko ang BCDA sa pagpapaliwanag ng mga hangganan ng proyekto at ng mga batayan ng posisyon nito. Mahalaga na tiyaking kinikilala at pinangangalagaan ang kanilang mga karapatan alinsunod sa batas.
Hindi dapat ipagpalagay na ang kawalan ng pormal na titulo ay awtomatikong nangangahulugan ng kawalan ng karapatan. Ang ugnayan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno ay hindi lamang usapin ng mga dokumento; nakaugat din ito sa kasaysayan, tradisyon, kabuhayan, at pagkakakilanlan ng kanilang mga pamayanan.
Noon, sa panahon ng ama, Marcos Senior, ipinaglaban ng mga katutubo ang kanilang lupang ninuno laban sa isang dambuhalang proyektong pang-enerhiya. Ngayon, sa panahon ng anak, Marcos Junior, muling nasusubok kung paano pagtitimbangin ang mga pangako ng kaunlaran at ang karapatan ng mga katutubo.
Hindi magkapareho ang Chico Dam at Pax Silica o ang kani-kanilang kalagayan. Ngunit kapwa nila ipinapaalala ang isang mahalagang aral: hindi dapat maging dahilan ang mga pangako ng kaunlaran upang maisantabi ang karapatan at kapakanan ng mga katutubo.
Ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa laki ng pamumuhunan, dami ng pabrika, o bilis ng pag-unlad ng teknolohiya. Dapat din itong masukat sa paggalang sa karapatang pantao, pangangalaga sa kalikasan, at makatarungang pakikilahok ng mga mamamayan sa mga desisyong nakaaapekto sa kanilang buhay.
Hindi pagtutol sa kaunlaran ang pagtatanggol sa lupang ninuno. Ang hinihingi ay kaunlarang makatarungan at makatao, na gumagalang sa mga karapatan ng mga katutubo at hindi nagsasakripisyo sa kanilang kabuhayan at kinabukasan.
MULA CHICO DAM HANGGANG PAX SILICA: Maaaring magbago ang mga proyekto at magpalit ang mga administrasyon, ngunit hindi dapat balewalain ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno.
Ang hamon sa BCDA ay hindi lamang ang pagtatayo ng isang modernong sentrong pang-industriya. Ito rin ay ang pagtiyak na ang kaunlarang isinusulong nito ay may paggalang sa mga karapatan at kapakanan ng mga pamayanang maaaring maapektuhan.
Dahil ang kasaysayan ng Chico Dam ay hindi lamang kuwento ng nakaraan. Isa itong babala at gabay sa mga pagpapasyang ginagawa natin ngayon.
Ang lupa ay hindi lamang ari-arian. Para sa mga katutubo, ito ay buhay, kasaysayan, pagkakakilanlan, at pamana sa susunod na mga salinlahi.
(Photos: Licas News, Daily Tribune)



