Unang forum sa Right of Reply Bill pangungunahan ng Pacesetter

    462
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS—Isang talakayan hinggil sa panukalang right of reply ang isasagawa sa Bulacan State University (BulSU) sa Marso 20 sa pangunguna ng Pacesetter, ang opisyal na pahayag ng nasabing pamantasan na pansamantalang pinatigil ang paglalathala noong 2005.

    Ito ang kauna-unahang talakayan na isasagawa sa Bulacan hinggil sa panukalang batas na kinokondena ng mga mamamahayag sa bansa at ibayong dagat.

    Ang mga magiging tagapagsalita sa nasabing talakayan ay ang mga kinatawan mula sa NUJP-national directorate, Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), Philippine Press Institute (PPI), Freedom Fund for Filipino Journalists (FFFJ), at Central Luzon Press Council (CLPC).

    Ayon kay Romulo Mercado, ang director ng student publications sa BulSU, isang magandang pagkakataon ang nasabing talakayan para sa mga mag-aaral at kabataang mamamahayag upang higit na maunawaan ang epekto ng right of reply.

    Bukod dito, inaasahan din na mabibigyan ng higit na kaalaman ng mga panauhing tagapagsalita ang mga mag-aaral hinggil sa kalagayan ng pamamahayag sa bansa kung saan ay patuloy ang pamamaslang sa mga mamamahayag.

    Tatalakayin din sa nasabing pulong ang mga pamamaraan upang makaiwas ang mga mamamahayag sa karahasan at ang kahalagahan ng mga itinatayong Citizen’s Press Council.

    Bukod sa mga kabataang mamamahayag at mag -aaral, ang inaasahan din ang pagdalo ng mga mamamahayag sa lalawigan at ibang bahagi ng Gitnang Luzon sa nasabing talakayan na isasagawa sa sa pakikipag-ugnayan sa Central Luzon Press Council (CLPC) at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan chapter.

    Bilang opisyal na pahayag ng BulSU, ang Pacesetter ay itinatag noong 1972, ngunit noong 2005, ang paglalathala nito ay pansamantalang pinatigil ng dating pamunuan ng BulSU.

    Ito ay dahil sa kritikal na paglalathala nito ng mga artikulo hinggil sa tatlong pangunahing opisyal ng pamantasan, ngunit ilang buwan lamang ay muli na itong nakapaglathala.

    Ang kritikal na pamamahayag ng mga pangpamantasang pahayagan ay hindi na bago dahil sa noong panahon ng batas militar sa bansa, hindi tumigil ang The Collegian, and opisyal na pahayagan ng University of the Philippines (UP), samantalang mga regular na pahayagan noon ay nakasara at ang mga nagpatuloy lamang ay ang mga pahayagang pag-aari ng rehimeng Marcos.

    Sa nagdaang taon naman, tatlong pampamantasang pahayagan na kasapi ng Association of Tertiary School Paper Adviser of Region III (ATSPAR III) ang naging paksa ng usapan dahil sa kritikal na pamamahayag sa mga pamantasan sa Bataan, Bulacan at Pampanga.

    Ayon sa mga kasapi ng binubuong Central Luzon Press Council (CLPC), ang mga karanasang ito ay nangangahulugan lamang na maging sa mga pamantasan ay may banta sa malayang pamamahayag.

    Dahil dito, sinabi nila na marapat lamang na maipaunawa sa mga mag-aaral at maging sa mga guro ang mga posibleng maging epekto sa kanila ng panukalang right of reply.

    Matatandaan na ang panukalang right of reply na isinusulong sa Kongreso ni Kint. Monico Puntevella ay ipinabalik sa Committee on Public Information ni House Speaker Prospero Nograles noong Miyerkoles, Marso 4 upang muling pag-aralan.

    Ngunit ang panukalang right of reply ay kinondena ng mga mamamahayag dahil sa paniniwalang iyon ay labag sa umiiral na Saligang Batas na nagbibigay ng garantiya na walang batas ang dapat isulong na susupil sa kalayaang magpahayag at malayang pamamahayag.

    Bukod sa pagkondena ng ibat-ibang samahan ng mga mamahayag, nagsagawa rin ng mga kilos protesta ang iba pang mamamahayag sa mga lalawigan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here