Sa litrato na kuha ni Atty. Jeric Degala, makikita na naka-angkas sa motorsiklo si Malolos City councilor Alma Gatchalian na walang suot na helmet at maging ang driver nito.
Mahigpit na ipinatutupad sa Bulacan ang “No helmet, No ride” policy na isang national law o ang Republic Act 10054 at Bulacan Provincial Ordinance #03’S 09.
Ayon kay Degala, sakay sila ng kanyang auto habang binabagtas ang MacArthur Highway sa Barangay Bulihan nang biglang um-overtake sa kanang bahagi nila sina Gatchalian.
Nag-U-turn pa daw ito sa kanilang harapan kayat nakuhanan nila ng litrato.
Matapos noon ay pormal na nagsampa ng reklamo sa tanggapan ni Gatchalian si Degala para isuko nito sa PNP ang sarili at harapin ang kaukulang penalty ng nasabing violation.
Ayon kay Degala, bukod sa isinampang reklamo ay hihilingin niya ang pagbibitiw ni Gatchalian sa lupon ng transportasyon sa Sangguniang Panglungsod ng Malolos dahil wala na itong moral ascendancy sa lupon.
Bilang mambabatas daw kasi ay dapat na ito ang nagpapakita bilang modelo ng pagtalima sa batas ngunit ito pa ang nakikitaan ng paglabag sa batas habang mahigpit ang pagpapatupad nito.
Ayon naman sa PNP, agad namang sumuko si Gatchalian sa kanilang tanggapan matapos matanggap ang reklamo.
Pinagmulta daw ito ng kaukulang halaga para sa kanyang traffic violation.
Ayon naman kay Joseph Sto.Domingo, traffic enforcer sa Malolos, madalas daw nilang nakikita na nagmomotorsiklo si Gatchalian ngunit nakasuot naman ito ng helmet.
Maari umanong nakalimutan lamang ni Gatchalian na magsuot ng helment noong malitratuhan ito ng abugado.
Hindi naman tumutugon pa sa text at tawag ng Punto! ang tanggapan ni Gatchalian para sa panig nito.
Ayon naman kay Degala, kukuha siya ng dokumento sa PNP ng pag-surrender ni Gatchalian na isa sa magiging batayan ng pagsasampa pa niya ng reklamo sa Sangguniang Panglungsod ng Malolos.