Kadamay nagprotesta sa NHA Bulacan

    376
    0
    SHARE
    BALAGTAS, Bulacan — Nagsagawa ng kilos protesta ang nasa 1,000 miyembro ng Kadamay sa harapan ng tanggapan ng National Housing Authority upang tutulan ang anila’y ginagawang pag-okupa dito ng hindi nila miyembro.

    Ayon kay Lea Maralit, chairperson ng Kadamay Bulacan, tutol sila sa ginagawang pagpapasok ng NHA sa Bocaue Hills at iba pang housing projects sa hindi mga Kadamay members.

    Dapat daw ay hindi magpapasok ang NHA ng isang mag-ookupa sa bahay dahil patuloy pa ang pagdinig sa usaping ito sa Senado. Alam naman aniya ng NHA na inilaan na sa mga Kadamay members ang mga pabahay ngunit pinangungunahan pa daw nito ang pagpapapasok sa mga hindi naman miyembro ng grupo.

    Sana daw ay sumunod sa proseso ang NHA at hayaan na munang matapos ang pagdinig nito sa Senado.

    Banta ng Kadamay na kapag hindi tumigil sa ginagawang pagproseso sa hindi nila ka-miyembro ay papasukin nito ang kanilang tanggapan.

    Nagrereklamo din ang Kadamay dahil ayaw daw tanggapin ng mga paaralan na malalapit sa inokupa nilang pabahay ang mga estudyanteng anak ng Kadamay.

    Sa sandaling mabatid aniya ng isang paaralan na Kadamay ang isang mag-aaral ay hindi daw ito tinatanggap bilang transferee.

    Humarap naman ang isang kinatawan ng NHA sa Kadamay at aalamin umano nila ang reklamo ng mga ito at ipaparating sa mas nakatataas na opisyales ng NHA.

    Hiniling din ng NHA sa Kadamay na idokumento sa pamamagitan ng paggawa ng sulat para sa kanilang hinaing at maimbestigahan ang kanilang reklamo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here