Posible din na hindi na nagbebenta ng palay sa NFA ang karamihan sa mga magsasaka dahil sa baba ng presyo ng pagbili nito.
Ito ang pahayag ni Melencio Domingo, pangulo ng mga magsasaka sa Malolos.
Ayon kay Domingo, kung sinasabi ng NFA na mababa ang nakaimbak na palay sa mga warehouses nito ay hindi kasi namili ang mga ito ng palay sa bukid dahil mas tumaas pa nga daw ang ani ng palay ng mga magsasaka ngayong taon ng hanggang 10 porsiyento.
Kaya’t imposible aniya na bumaba ang stock ng palay ngayon. Sa tingin niya ay hindi namili ng palay ang NFA at nais lamang mauwi ito sa rice importation.
Sinisikap aniya ng mga magsasaka na mapataas ang kanilang ani at maganda naman ito ngayong taon dahil wala namang naganap na kalamidad.
Hindi aniya pabor sa mga magsasaka ang importasyon dahil sagana ang ani sa bukid kayat hindi na dapat umangkat pa ng bigas sa ibang bansa.
Kung aangkat pa aniya ng palay ay lalo pang bababa ang bili ng aning palay ng mga magsasaka at lalo nang malulugi ang mga ito.
Kung mababa nga daw ang stock ng palay ay posible din na hindi na nagbebenta ang mga magsasaka ng palay sa NFA dahil sa baba ng halaga ng pagbili nito na nasa P17 lamang kada kilo ng palay habang nasa P20 hanggang P21 kada kilo ng palay naman ang bili ng mga rice traders.
Kaya’t sa halip na ibenta aniya ng magsasaka sa NFA ang palay ay mas pipiliin ng mga itong magbenta sa mga negosyante.
Matagal na aniya nilang hinihiling sa NFA na taasan na ang pagbili nito ng palay upang sa kanila na maibenta ng mga magsasaka ang inani sa bukid sa halip na sa mga rice traders.
Panawagan din nila kay Presidente Duterte na mapatigil ang mga land conversion na siyang nagpapababa sa ani ng palay dahil nauubos na ang bukirin o palayan.