150 na-ospital dahil sa spaghetti sa Calumpit

    329
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Halos 150 katao ang isinugod sa ibat-ibang pagamutan noong Linggo matapos kumain ng spaghetti na inihada sa isang birthday party sa bayan ng Calumpit noong Sabado.

    Gayunpaman, walang iniulat na namatay, at agad ding pinauwi ang mga biktima matapos lapatan ng gamot.

    Batay sa ulat na ipinadala ni George Agustin ng Calumpit Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) kay Dr. Protacio Badjao, hepe ng Bulacan Medical Center (BMC), karaniwan sa mga biktima ay mga batang may edad apat hanggang walong taong gulang.

    Ang mga biktima ay isinugod sa mga pagamutan matapos kumain ng spaghetti na inihanda para sa ikalawang taong kaarawan  ng isang Filipino-Japanese mula sa Barangay Meysulao, Calumpit.

    Ayon kay Badjao, umabot sa 73 biktima ang isinugod sa Calumpit District Hospital noong Linggo ng tanghali; samantalang 55 ang isinugod sa BMC.

    Siyam naman ang isinugod sa Emilio G. Perez Memorial District Hospital sa bayan ng Hagonoy; apat sa Lim Hospital sa bayan ng Apalit, Pampanga; samantalang walo ang dinala sa iba pang pagamutan.

    Batay sa ulat, nakaranas ng pananakit ng tiyan ang mga biktima, pagkatapos ay nahilo, nagsuka, nagtae at nilagnat.

    Ayon kay Badjao, hindi pa nila matiyak kung anong pagkain ang pinagmulan ng pagkakasakit, ngunit tiniyak niya na isang pagkain lamang ang pinagmulan noon.

    Para naman sa mga biktima katulad ni Monalisa Alfonso, malaki ang posibilidad na spaghetti ang dahilan ng pagkakasakit nila.

    Ito ay dahil sa karaniwan sa mga biktima ay kumain ng spaghetti na inihada sa birthday party noong Sabado.

    Ayon kay Alfonso, wala silang balak na magsampa ng kaso sa kabila ng pagkakasakit.

    “Wala namang may gusto na magkasakit ang mga dumalo sa party, nagkataon lang,” ani Alfonso. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here