Bishop David, tutol na gawing legal ang jueteng

    302
    0
    SHARE
    Tutol si Bishop Pablo Virgilio “Ambo” David ng Holy Family Parish ng Angeles City sa ideya ni Sen. Jinggoy Estrada na gawing ligal ang jueteng.

    Bagamat sinasabing ang pagsasaligal aniya ng jueteng ay upang mabigyan ng trabaho ang mga jueteng workers ngunit hindi pa rin aniya ito tama dahil sa sugal pa rin ang jueteng.

    Wala na ba aniyang ibang ideya ang pamahalaan upang mabigyan ng kabuhayan ang mga tao bukod sa sugal?

    Kung tutuusin ay malaking halaga nga rin aniya ang nawawala sa mga mananaya ng jueteng kung susumahin.

    Ikinumpara niya ang jueteng sa mga Casino na kung saan ay sinasadya pa ng mayayamang tao upang makapagsugal lamang samantalang ang jueteng naman ang mismong dinadala sa mga tao ng bahay-bahay.

    Kaya sangkaterbang pera pa aniya ang nawawala sa mga tao na umaabot sa bilyong piso kada buwan na sana’y nagagamit na lamang sa ibang bagay.

    Sang-ayon si David na mabigyan ng disenteng trabaho ang mga mamamayan ngunit hindi aniya ang galing sa sugal.

    Kaugnay naman ng usapin na wala ng nais humarap sa pagdinig sa Senado na mga whistle blowers dahil sa sinasabing nag-ga-grandstanding lamang umano ang mga Senador at wala pang suportang ibinibigay sa kanila ay sinabi ni David na handa namang suportahan ng simbahan ang mga whistle blowers.

    Personal pang ginarantiyahan ni David na siya mismo ay handang kumupkop o sumuporta sa isang whistle blower kayat hinikayat na huwag matakot ang mga ito.

    Hindi naman kasi aniya masisisi ang mga ito dahil sa kasalukuyan ay walang paraan ang lipunan upang ang mga ito ay suportahan.

    May mga lumalapit nga daw sa kanila na mga posibleng state witness at hinihikayat naman nila ang mga itong tumestigo.

    Kung tutuusin ay responsibilidad din aniya ng taumbayan na protektahan ang mga whistle blowers.

    Kung babalikan aniya ang panunumpa ni P-Noy noong June 30 ay nanumpa din ang taumbayan matapos manumpa ang pangulo para sa tuwid na landas.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here