Marilao river lalong lumalala

    824
    0
    SHARE
    MARILAO, Bulacan—Mas lumala pa ang kalagayan ng Marilao River dahil mula ng mapabilang ito sa isa sa pinakamaruming ilog sa mundo ay isa na itong open dumpsite o basurahan ngayon.

    Ito ang naging pahayag ni Environment Secretary Lito Atienza kahapon matapos makita ang kalagayan ng nasabing ilog kung saan isinagawa ang pagtatapos na gawain para sa paggunita ng Philippine Water Week.

    “This is no longer a river, its an open dumpsite,” ani Atienza habang itinuturo ang  makapal na basura na nakatabon sa ibabaw ng tubig sa dam.

    Ayon kay Atienza, higit pang lumalala ang kalagayan ng ilog mula ng mapabilang ito sa listahan ng 30 dirtiest places in the world noong 2007 na ipinalabas ng Blacksmit Insitute na nakabase sa New York.

    Ipinaliwanag naman ni Governor Joselito Mendoza na ang batay sa ulat ng Blacksmith Institute ay napabilang sa isa sa pinakamaruming ilog sa mundo dahil sa heavy metal content  ng katubigan nito at hindi dahil sa mga basurang naaanod sa ilog.

    Iginiit din niya na ang mga basurang nakita ni Atienza sa dam ay hindi nagmula sa mga Bulakenyo.

    Inayunan naman ito ng kalihim at sinabing batay sa pagsasaliksik ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang mga basurang nakalutang sa Prenza Dam ay maaaring nagmula sa mga barangay na nasasakop ng Caloocan City, Quezon City sa Metro Manila, at sa San Jose Del Monte City sa Bulacan.

    Inayunan din iyon ni Marilao Mayor Epifanio Guillermo na matagal ng nagrereklamo dahil sa nauubos ang pondo ng kanyang munisipyo sa paglilinis ng basura ng ibang munisipyo at lungsod na napapadpad sa Prenza dam.

    Sinabi niya na dapat ipatupad ng ibang pamahalaang lokal ang kanilang solid waste management program para sa preserbasyon ng Marilao-Meycauayan-Obando River System.

    Kaugnay nito, muling ipinaalala ni Atienza sa mga lokal na opisyal na maaari silang kasuhan kung hindi maipapatupad ang mga batas pangkalikasan.

    “Ang taong ito ay enforcement year ng DENR kaya, bato-bato sa langit, tamaan ay huwag magagalit,” ani Atienza.

    Sinabi pa niya na hindi na kailangan ang dagdag na batas para sa kalikasan, sa halip ay dapat ipatupad ang mga batas.

    “We have enough laws for the air, water and even the solid waste management,” aniya. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here