LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) – Natanggap na ng 993 na mga taga lungsod ng Baliwag, Bulacan na pawang mabababa ang kita at mga walang-wala sa buhay ang P2,000 tulong pinansiyal sa ilalim ng ang ikalawang bugso ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transportation (UPLIFT).
Isa itong buwanang tulong pinansiyal na ipinagkakaloob ng Department of Social Welfare and Development mula Hulyo hanggang Disyembre 2026, bilang tugon sa tumataas pang presyo ng krudo at mga bilihin.
Bunsod ito ng nananatiling kritikal na sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Patotoo ito ng pagpapalawak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas marami pang sektor ang maabot ng UPLIFT program.
Ayon kay Department of Budget and Management Undersecretary Goddes Hope Libiran, ang pinalawak na UPLIFT ay pinondohan mula sa P22 bilyong savings ng pamahalaang nasyonal.
Unang nabuo ang UPLIFT nang ipailalim ng pangulo ang bansa sa State of National Energy Emergency sa bisa ng Proclamation 110.
Nilalaman nito ang iba’t ibang istratehiya para mapabilis ang pag-angat ng mga krudo at magkaroon ng pangmatagalang imbak nito.

Ni Shane F. Velasco
Nakalakip dito ang mga agarang tulong sa mga naapektuhan ng nangyayari sa gitnang silangan tulad ng mga nasa sektor ng transportasyon, magsasaka at mangingisda, industriya, mga maliliit na negosyante at pagpapaigting ng kampanya na mapangalagaan ang mga mamimili.
Sa pinalawak na UPLIFT, kasama na sa mga benepisyaryo ang mga mamamayan na walang-wala sa buhay at ang mga hindi sapat ang kita na hindi kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Kabilang sa mga nabiyayaan si Mary Jane Adriano na may pitong anak na taga Barangay Calantipay, lungsod ng Baliwag.
Malaking tulong aniya ang natanggap na tulong pinansiyal bilang pandagdag na panustos sa mga pangunahing pangangailangan sa kanyang pitong mga anak.
Pampuno rin ito ngayong walang permanente o pangmatagalang trabaho ang kanyang asawa.(CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



