Home Headlines National Broadband sa mga digital programs ng DICT, nagsimula nang gumana sa...

National Broadband sa mga digital programs ng DICT, nagsimula nang gumana sa Gitnang Luzon

172
0
SHARE

Lungs of NG MALOLOS (PIA) — Hindi mapapatid ang koneksiyon sa malakas na internet para sa iba’t ibang digital transformation project ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ngayong sumusulong na ang National Broadband Network program sa Gitnang Luzon na pinaprayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 2023-2028 Philippine Development Plan.

Sa isang panayam, inilahad ni DICT Assistant Regional Director James Francis Villanueva na gumagana na ang national broadband sa lungsod ng San Fernando, Pampanga; Baler, Aurora; at lungsod ng Olongapo.

Ang National Broadband ay itinatag at sariling telecommunication and digital infrastructure project ng pamahalaang nasyonal na ipinapatupad ng DICT sa tulong ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at mga katuwang sa pribadong sektor tulad ng Meta Platforms at National Grid Corporation (NGCP) of the Philippines.

Pakikinabangan ito ng karaniwang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang mabillis, libre, at mataas na kalidad ng internet na fiber ang linya.

Ipinaliwanag ni DICT Bulacan Technical Operations Division Chief Mario Antonio Aya-ay na nangangahulugan ito na ngayong mas lumalawak na ang coverage ng National Broadband Network project, mas natitiyak na mapapanatili o sustainable ang iba pang proyekto ng DICT.

Pangunahin na rito ang pagpapatupad sa Government Network o GovNet kung saan ang pamahalaan na mismo ang nagtatag at gumawa ng sarili nitong internet upang magkaugnay ang mga ahensiya ng pamahalaang nasyonal, mga pampublikong paaralan at maging mga pampublikong ospital.

Iba pa rito ang patuloy na pag-iral ng Free Internet Access in Public Places Act o Republic Act 10929.

Pangunahing mandato nito ang pagkakabit ng mga libreng pagsasagapan ng internet para sa mga tanggapan ng pamahalaang nasyonal at local, pampublikong paaralan, pampublikong pangkalusugang pasilidad, mga parke at plaza, mga aklatan, paliparan, pantalan at mga terminal ng mga pampublikong transportasyon.

Magiging mas matatag din aniya ang pag-iral ng eGov PH Super App na isang national government portal, kung saan lahat ng uri ng mga government app ng lahat ng mga ahensiya para sa iba’t ibang pangangailangan ng publiko, ay isang click na lang mula sa sariling cellphone.

Nakapaloob dito ang eLGU o electronic local government unit system, kung saan maaari nang makipagtransaksiyon ang publiko sa mga munisipyo o city halls, nang hindi na kailangang pumunta nang personal tulad ng pagkuha o pagrenew ng mga business permits.

Makikita sa mapa ng Luzon na iprinisinta ng Department of Information and Communications Technology ang mga ruta at lokasyon ng mga pasilidad na may kinalaman sa binubuong National Broadband Program na mayroon nang inisyal na operasyon sa Gitnang Luzon. (DICT)

Ipinahayag naman ni DICT Undersecretary Faye Condez-De Sagon na ang mga programang nagpapalakas sa sagap sa internet, ay makakatulong upang ganap na maihanda ang Pilipinas na makipagsabayan sa mga kapitbahay na bansa nito sa timog-silangang Asya sa larangan ng digitalization.

Target namang ilunsad ang national broadband sa mga lungsod ng San Jose Del Monte at Malolos sa Bulacan sa taong 2028.

Magiging malaking hakbang ito tungo sa katuparan na maging isang Smart City ang Malolos, kung saan ang mga sistema, aparato at kalakaran sa lungsod ay pinapatakbo ng ICT.

Sa Bulacan, 11 mga bayan at isang lungsod ang pawang naka-onboard na rito na kinabibilangan ng Angat, Bulakan, Bustos, Calumpit, Donya Remedios Trindad, Hagonoy, Norzagaray, Obando, Pandi, Paombong, San Ildefonso at ang San Jose Del Monte.

Samantala, iniulat din ni Aya-ay na umabot na sa Bulacan ang mga fibers para sa national broadband na nailatag sa pamamagitan ng mga kable ng NGCP.

Nakakabit ito sa Luzon Bypass Infrastructure na pinagtulungang ikabit ng BCDA, DICT at Meta.

Isa itong terrestrial fiber-optic network na nagkakabit sa isang cable landing station Baler, Aurora at sa San Fernando, La Union.

Ito ang nagkabit sa Pilipinas sa pamamagitan ng submarine fiber-optic cables mula sa United States; Baler, Aurora at San Fernando, La Union sa Pilipinas; patungo sa Taiwan at Japan sa hilaga at sa Singapore at Indonesia sa timog. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here