SAN ILDEFONSO, Bulacan (PIA) — Inihandog ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasakang Bulakenyo ang kauna-unahang postharvest facility partikular para sa mga Pinuyang Bigas sa lalawigan.
Kilala ito bilang mga red, brown at black rice na masustansiyang pagkain ng tao.
Ayon Provincial Agriculture Office Head Gloria Carillo, nasa P5 milyong ang inilaan ng ahensiya para sa Joyful Garden Farm na pinapatakbo ng Organic Farmer’s Association Inc. na nakabase sa Barangay Mataas na Parang sa bayan ng San Ildefonso.
Aniya, hindi lamang ito basta mga pasilidad na itinayo kundi isang simbulo ng inobasyon ng mga magsasakang Bulakenyo na sinuportahan ng DA sa ilalim ng Organic Farming Livelihood Program.
Kumpleto ito sa mga pangunahing pasilidad mula sa produksiyon hanggang sa milling o pagkikiskis.
Bahagi ito ng pagpupursige ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higit na maiangat ang sektor ng pagsasaka partikular ang antas ng pamumuhay ng mga magsasaka.
Kinabibilangan ito ng warehouse na kayang maglulan ng 300 metro toneladang pigmented rice na katumbas ng anim na libong kaban.
Ang multi-crop drying pavement ay pwedeng makapagpatuyo ng mula tatlo hanggang apat na metro toneladang pigmented rice araw-araw.
Isusunod naman nang itayo ang Rice Mill sa tabi nito na susuporta sa pagsasaka na gamit ang organikong pamamaraan.
Tiniyak ni DA Regional Agricultural Engineering Division Engineer Lester Bacual ang mainam na kalidad nito na magbibigay ng ligtas at maayos na imbakan ang mga ani para maiwasan ang pagkasira dahil sa peste at pagbaba ng kalidad ng palay.
Para naman kay Joyful Garden Farm Organic Farmer’s Association Inc. President Jocelyn Reyes, makikinabang dito ang nasa 33 mga magsasaka ng pigmented rice kung saan ang ilan sa kanila ay pawang mga poultry farm raisers at vegetable growers.
Kaugnay nito, ayon pa kay Reyes, nagsilbi namang katambal ng Organic Farming Livelihood Program ang iba pang mga proyektong pang-agrikultura.

Ito ang hiwalay na P5 milyong package para sa Kadiwa ng Pangulo kung saan napagkalooban sila ng isang six wheeler truck at isang elf truck.
Pawang nakakapagluwas ito ng nasa 250 kaban ng bigas araw-araw partikular sa mga pinagdadausan ng Kadiwa ng Pangulo pop-stores.
Samantala, may ipinagkaloob naman na P400 libo ang Department of Agrarian Reform kamakailan sa nasabi ring kooperatiba, na ipinagpatayo nila ng isang showroom.
Tanyag ang mga produktong pigmented rice Joyful Garde Farm Organic Farmer’s Association Inc. sa mga national trade fair sa Metro Manila.
Matatandaan na kinilala ng Department of Trade and Industry sa nakaraang Likha ng Central Luzon Trade Fair 2025 sa SM Megamall sa Lungsod ng Mandaluyong bilang top grosser.(CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



