1.
Marami ang pumupuna sa naging pananahimik
ng action star/senador na si Manuel “Lito” Lapid
sa isyu raw senado sa kanya’y walang narinig
na anumang komento at mga pagpapahiwatig
danil dito di raw alam kung kanino siya papanig
sa mga oposisyon ba o sa kanyang kapanalig?
2.
Kilala naman ng lahat na ang butihing senador
ay matipid magsalita laging ngiti kung tumugon
kahit sa panahong siya pa ang naupong Gobernador
tahimik lamang subalit ang isip ay nakatuon
kung paanong ang Pampanga ay pamuling makabangon
na inilugmok ng lahar sa matagal na panahon
3.
Siya ay mapagpakumbaba hindi katulad ng iba
nating mga mambabatas na ugali ay pabida
gaya ng isang senador parang siga kung umasta
kapag nasaling ang ego tila ibig pang mambira
subalit si Lito Lapid sa kanila’y naiiba
tahimik lamang sa isyu para iwas sa disgrasya
4.
Malay natin kung ano ang kanyang nasa saloobin
kung tahimik man sa isyu wag na sanang batikusin
mga taong di mahilig na sumawsaw sa usapin
sila’y hindi nalalagay sa balag ng alanganin
hindi katulad ng iba na ang dila ay matabil
madalas ang sinasabi ay di na kagiliw-giliw
5.
Si senador Lito Lapid kailanman ay di nasangkot
ang pangalan, sa talaan ng tiwali at kurakot
ang puna lamang sa kanya ay ang di pakikilahok
sa usapin sa senado na sadyang masalimuot
anuman ang dahilan niya wag na tayong manghimasok
sarili niyang kagustuhan igalang natin ng lubos
6.
kaysa naman sa madada na ubod ng tatalino
mapanlinlang, balimbing at mga mapagbalatkayo
mainam na ang tahimik basta mabuti kang tao
kumpara sa marunong nga asal naman ay demonyo
tulad ng tinaguriang mga hudas sa senado
tinutuwid daw ang mali’t binabaluktot ang wasto
7.
Marahil ang iba sa’tin ay hindi pa nababatid
marami ng naipasang batas si Senador Lapid
at ayon sa mga tala isang daan na mahigit
ang batas na ang may-akda ay ang tatahi-tahimik
tayo ay may kasabihan ang taong di palaimik
katulad ni Albert Einstein ay malalim kung mag-isip



