Home Headlines KWF at TSU, lumagda ng MOU

KWF at TSU, lumagda ng MOU

201
0
SHARE

Pormal nang nilagdaan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Tarlac State University (TSU) ang Memorandum ng Unawaan (MOU) noong 4 Marso 2026, sa Bulwagang Romualdez ng KWF.

Layunin ng MOU na paigtingin ang kolaborasyon sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng wikang Filipino at iba pang mga wika ng bansa, partikular na sa loob ng akademikong komunidad.

Binuksan ang programa sa isang bating pagtanggap mula kay Fultaym Komisyoner Benjamin M. Mendillo, Jr., ang kinatawan sa Wikang Ilokano ng KWF.

Nagbigay ng mensahe si Tagapangulo Atty. Marites A. Barrios-Taran ng KWF ukol sa kritikal na kalagayan ng wikang Abëllën, na batay sa datos ng KWF sa Sigla ng Wika, ang Abëllën ay kasalukuyang nasa Grado 4 o “Di-ligtas” (Unsafe).

Ipinaliwanag ni Barrios-Taran na bagaman ginagamit pa ang wika ng ilang bata sa lahat ng domeyn, ang kabataan ay gumagamit na lamang nito sa mga limitadong pagkakataon. Sa ilalim ng Salik 3 (Proporsiyon ng mga Ispiker), ang wika ay nasa antas na “Tiyak na Nanganganib” (Definitively Endangered).

“Ang liit ng bilang ng mga ispiker kompara sa kabuoang populasyon ay isang malakas na hudyat na kailangan natin ng mabilis na aksiyon. Ang ating paglalagda sa MOU na ito ay hindi lamang pormalidad, ito ay isang pagsagip sa isang nanganganib na kultura,” dagdag pa niya.

Ipinahayag naman ni Dr. Erwin P. Lacanlale ang kahandaan ng Tarlac State University na isulong ang mga probisyon ng MOU at isabuhay ang pagpapahalaga sa pambansang wika sa kanilang kampus.

Nagtapos ang programa sa pangwakas na mensahe ni Fultaym Komisyoner Carmelita C. Abdurahman, Kinatawan ng Wikang Samar-Leyte. Hinikayat niya ang parehong panig na huwag hayaang manatili lamang sa papel ang lagdaan, kundi magbunga ito ng mga kongkretong aksiyon at proyekto para sa kapakanan ng mga mag-aaral at ng sambayanang Pilipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here