LUNGSOD NG PASAY (PIA) — Sentro ng muling pagningning ng binuhay na Likhang Filipino Exhibition Halls ang natatangi at mayamang sining, kultura, at kalinangan ng Bulacan.
Itinampok sa primyadong entablado nito ang Bulacan Art Fri Dates ngayong pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining, na magkatuwang na itinaguyod ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA); Center for International Trade, Expositions and Missions (CITEM); at Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office.
Hitik sa mga elemento ng sining ang ipinamalas ng mga Bulakenyong artista kabilang ang pagtatampok sa Sineliksik Bulacan Docufest tungkol sa Fertility Dance ng Obando, pagkapilantropo ni Don Antonio Bautista, at ang Horse Festival o Salubong sa Plaridel.
Tumugtog din ang pamosong Hiyas ng Bulacan Brass Band at iba’t ibang katutubong Bulakenyo na inihandog ng Dr. Yanga Colleges Inc. (DYCI) Dance Troupe, Guintong Lahi Dance Troupe, Prime Movers Dance Crew at DYCI Dagalak.

Habang tampok din sa Likhang Filipino Exhibition Halls ng mga kasuotan, alahas, at muebles na mga Tatak Bulakenyo.
Para kay NCCA Deputy Executive Director Joseph Bernan Corpuz, ang Bulacan ay hindi lang lunduyan ng kasaysayan kundi tunay na bukal ng sining at kalinangan.
Binigyang diin niya na buhay ang kultura at umuunlad, basta’t patuloy na aalagaan at gawing bahagi ang kultura sa pamumuhay. Hindi lang aniya dekorasyon ang sining kundi kaluluwa ng pagka-Pilipino, dagdag pa nito.
Sinabi naman ni CITEM Executive Director Leah Pulido Ocampo, isang kampeon ng sining ang Bulacan dahil nananalaytay sa bawat taong nasa likod ng bawat likha, ang pagnanais na maipamalas at maibahagi ito.
Isa rin aniyang malaking pagkakataon ito upang makadagdag sa sigla at tingkad ng Likhang Filipinao Exhibition Halls sa muling pagbubukas nito sa publiko.
Muling binuhay ito sa pamamagitan ni First Lady Liza Araneta Marcos bilang bahagi ng mataas na pagpaprayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos sa Creative industry na sumasalamin sa mayamang sining ng bansa.
Unang itinatag ni Dating First Lady Imelda R. Marcos ang Likhang Filipinao Exhibition Halls noong dekada 70.
Matatagpuan ito sa kaparehong lokasyon sa International Trade Center sa gilid ng Roxas Boulevard sa Pasay.
Layunin nito na matipon sa iisang lugar ang mga likhang sining ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, upang maialok sa bentahan sa pandaigdigang merkado.
Nagbunsod ito sa pagkakatatag ng Design Center of the Philippines noong 1973 bilang bahagi ng pagpapatupad sa Republic Act 6136 o ang Export Incentives Act of 1970.
Kalaunan, naging daan din ito sa pagtatag ng CITEM noong 1983 na nagpasimula ng mga institutional exhibition tulad ng Furnishings and Apparel Manufacturers Exchange na kilala bilang Manila FAME. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



