Home Headlines RPMC, pinapaprayoridad ang full rehabilitation ng irrigation tunnel sa Talavera River

RPMC, pinapaprayoridad ang full rehabilitation ng irrigation tunnel sa Talavera River

151
0
SHARE

LLANERA, Nueva Ecija (PIA) — Pinapaprayoridad ng Regional Project Monitoring Committee (RPMC) ang ganap na rehabilitasyon ng mga tumatagas na siphon barrel o irrigation tunnel na tumatawid sa ilalim ng Talavera River sa bayan ng Llanera.

Sa ginawang diyalogo sa tanggapan ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS) sa Cabanatuan City, iniulat ni Acting Manager Melvin Santiago na natapos na ang Phase 2 ng rehabilitasyon na pinondohan ng P33 milyon mula sa 2025 national budget.

Target namang makumpleto pagsapit ng Hulyo 2026 ang Phase 1 ng proyekto.

Ang siphon barrel ay unang itinayo noong 2005 at nagkaroon ng pinsala dahil sa pagragasa ng malalaking tipak ng graba mula sa iligal na quarrying na natukoy ng mga lokal na pamahalaan.

Ang siphon barrel ay isang malaking konkretong lagusan ng tubig sa ilalim ng ilog na nagsisilbing daanan ng irigasyon mula sa Pantabangan Dam, at sumasalo rin sa tubig mula sa Casecnan Dam, patungo sa mga sakahan sa Gitnang Luzon.

Direktang nakikinabang dito ang humigit-kumulang 79,610.74 ektaryang palayan sa mga bayan ng Llanera, Talavera, Quezon, Sto. Domingo, at Licab, gayundin sa San Jose City at Science City of Muñoz.

Nagsagawa ng inspeksyon ang Regional Project Monitoring Committee (RPMC) sa isa sa mga irrigation tunnel o siphon barrel na nasa ilalim ng Talavera River sa bayan ng Llanera, Nueva Ecija. Layunin nito na matiyak ang pagkukumpleto ng rehabilitasyon upang hindi na tumagas ang patubig na para dapat sa mga magsasaka ng palay. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Samantala, inirekomenda ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) ang konstruksyon ng kalapit na tulay sa Barangay Andres Bonifacio upang maprotektahan ang siphon barrel at maiwasan ang karagdagang pinsala.

Binigyang-diin ni DEPDev Region III Chief Economic Development Specialist Fernando Cabalza na nagsagawa ng pagbisita ang RPMC sa proyekto upang matiyak ang wastong paggamit ng pondo ng pamahalaan at ang tuluy-tuloy na suplay ng patubig para sa mga magsasaka at seguridad sa pagkain ng bansa. (MJSC/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here