1.
Ang SIERRA MADRE ay ang bulubundukin
na HUMAHADLANG sa malakas na hangin
sa tuwing may bagyong BUMABAYO sa’tin
ito’y nagsisilbing PANANGGALANG natin
kaya’t nararapat lamang PAGYAMANIN
at ang pagmimina’y dapat IPATIGILIN
2.
Bundok Sierra Madre’y tulad ng BAYANI
na sa dayuhan ay di NAGPAPAGAPI
sa hampas ng unos TITINDIG palagi
upang PROTEKTAHAN itong ating lahi
di niya hahayaan na mayrong MASAWI
sa pananalasa ng MUNTING BUHAWI
3.
Subalit ang bagay na nakalulungkot
ay may bahagi ng KINALBO sa bundok
sa PAGMIMINA ay hindi tumutugot
ang mga tao na sa bansa ay SALOT
ang PAMAHALAAN kailan pa kikilos?
upang KONDENAHIN gawaing baluktot
4.
Ang KALIKASAN ay handog ng Maykapal
sa tao, sa hayop na kanyang nilalang
tayo ay BINIGYAN ng kapangyarihan
na ito’y ARIIN at pangasiwaan
ngunit sa mahusay na PAMAMARAAN
na di MAWAWASAK angking kagandahan
5.
Di lang Sierra Madre ang BIGYAN ng pansin
kung hindi ang lahat ng BULUBUNDUKIN
sa gawing ZAMBALES halos kalbo na rin
ang bundok at gubat dahil sa KAINGIN
malinis at walang punong nakatanim
ang dating LUNTIAN sa ating paningin
6.
Wag nating hayaang ating maranasan
nangyari sa CEBU kamakailan lang
sa PANANALASA ng bagyo at ulan
NAGDALAMHATI ang buong sambayanan
bukod sa NASIRANG mga kabahayan
maraming NASAWI’t mga nasugatan
7.
Ang DENR ang dapat SUMANSALA
sa mga minerong MAPAGSAMANTALA
ngunit tila hindi nila ALINTANA
PANGANIB na dulot nitong pagmimina
baka naman mayrong USAPANG MAGANDA
kung kaya’t NABULAG na ang mga mata



