LUNGSOD NG BALANGA – Isang tricycle driver ang binaril at pinatay ng hindi pa alam na bilang ng hindi pa kilalang mga suspek ang natagpuan Miyerkules ng gabi sa madilim at damuhang bahagi sa tabi ng kalsada sa isang subdivision dito.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Vincent Ragasa, 23, tricycle driver mula sa barangay Gen. Lim, Orion, Bataan. Nagtamo ito ng tatlong tama ng bala ng baril sa tagiliran, leeg at ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa ama ng biktima, wala siyang alam na kagalit ang anak na nag-iwan ng isang maliit na anak na lalaki.
“Sana hindi patahimikin ang budhi nila at sumuko na upang magkaroon ng katarungan ang pagkamatay ng anak ko,” sabi ng ama na isang magsasaka.
Isang nakatira sa subdivision na ayaw pakilala ang nagsabing nakarinig ito ng tatlong putok noong gabing iyon.
Napakadilim sa bahaging iyon ng subdivision na nagtataasan ang damo sapagka’t hindi pa fully-developed ang lugar.
Natagpuan ang bangkay sa damuhan sa tabi ng masamang kalsada ng subidivison na halos ilang metro lamang ang layo sa Roman Superhighway.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.