DINALUPIHAN, Bataan- Isang bangkay ng hindi pa kilalang lalaki ang natagpuang nakagapos ng alambre ang dalawang kamay at leeg sa loob ng saradong heavily-tinted na kotse sa tabi ng kakahuyan sa national highway sa Barangay Roosevelt dito Lunes ng tanghali.
Nakatihaya ang lalaki sa hulihang upuan ng itim na Honda Civic na may plakang ULA 714 na dinustrungka ang pintuan upang mabuksan matapos maghinala ang mga pulis dahil sa tagal ng pagkakaparada ng kotse sa lugal. May nagsabing alas-10 pa lamang ng gabi ng Linggo ay naroon na sa madilim na bahagi ng kalsada ang sasakyan.
Ayon kay PO2 Rolando Publico, imbestigador ng Dinalupihan police, walang nakitang identification sa biktima. May nakuha umanong hindi pa malamang halaga ng perang cash sa bulsa nito na ang sabi ng ilang barangay tanod ay aabot ng P20,000.
Natagpuan ang rehistro ng kotse sa pangalan ni Catherine Sotto ng Guagua, Pampanga. Nakikipag-ugnayan na ang mga pulis Dinalupihan sa mga pulis doon, sabi ni Publico.
Dinala ang bangkay sa Ventura Funeral Parlor sa Dinalupihan. Bukod sa pagkakagapos ng alambre sa dalawang kamay at leeg, may sugat ito sa kanang sentido na inaalam pa ng Scene of the Crime Operatives kung stab o gunshot wound.
May taas itong 5’5” at katamtaman ang pangangatawan. Panay imported diumano ang suot nito. Ang pantalon na may waist line na 31 inches ay Levi’s na gawang Egypt. Ang damit ay gawang Vietnam daw. Ang brief ay Calvin Klein samantalang ang leather shoes na size 7 ay stateside diumano.