1.
Ang serbisyo publiko ay ang PAGLILINGKOD ng tapat
sa lahat ng MAMAMAYAN sa bayan at komunidad
ito’y WALANG PINIPILI mayaman man o mahirap
at ang may KAPANSANAN ay binibigyang prayoridad
dapat ito’y MATAMASA ng sino mang naghahangad
sapagkat ang PUBLIC SERVICE ang sabi nga ay PUBLIC TRUST
2.
Ang SERBISYO PUBLIKO ay hindi lamang sa aspeto
ng libreng edukasyon sa KABATAANG PILIPINO
pangangalagang MEDIKAL ay kasama na rin dito
ganoon din ang PABAHAY na kaloob ng gobyerno
mapayapang pamumuhay, SEGURIDAD sa trabaho
sa lahat ng naghahangad na sa buhay UMASENSO
3.
Subalit papaano kung ito ay NABABAHIRAN ?
ng MARUMING PULITIKA katulad sa ilang bayan
ang serbisyo publiko bang IPINANGANGALANDAKAN ? i
ang tunay na HANGARIN ba’y naisasakatuparan?
kung mayroong pinipili sa dapat na PAGLINGKURAN
ang ilan sa empleyado ng ating PAMAHALAAN
4.
ang PALAKASAN SYSTEM ay umiiral pa rin ngayon
lalo kung may PADRINO ka at kung bata ka ng MAYOR
hindi ka mapapahiya kung hihingi ka ng PABOR
lalo’t sumusuporta ka sa kanila tuwing ELEKSIYON
kung trabaho ang nais mo bibigyan ka ng POSISYON
kahit sa munisipyo ay bantay ka lang sa MAGHAPON
5.
Pag bago ang namumuno sa pwesto ay TANGGAL lahat
lalo na ang mga J. O. na palaging NASISIBAK
kahit na ang talentado, sa trabaho’y MASISIPAG
sa pagkaka-sisante ay hindi rin NAKALILIGTAS
kung kaya’t ang nangyayari serbisyo ay PUMAPALPAK
kung wala pang karanasan mga bagong SINASALPAK
6.
Tulad ng mga enforcers na nagmamando ng TRAFFIC
at mga J. O. health workers sa mga RURAL HEALTH UNIT
ang kanilang kasanayan sa trabaho’y nagagamit
upang isakatuparan ang tunay na PUBLIC SERVICE
at hindi mga katagang madalas kong NARIRINIG
na ang public service kuno ay nagiging PUBLIC TIIS
7.
Ang mga KARAPAT-DAPAT manatili sa trabaho
ay ang mga taong TAPAT at masipag magtrabaho
mga mayrong KARANASAN na sa serbisyo publiko
na siyang nagbibigay daan patungo sa PAG-ASENSO
ang mga GHOST EMPLOYEES na salot sa ating gobyerno
ang dapat pagsisibakin sa lahat ng MUNISIPYO ..