1.
Sa MENDIOLA , namumuo ang napakatinding tensiyon
sa pagitan ng PULIS at mga NAGDE-DEMONSTRASYON
NAGITLA ang isang pulis nang makita ring naroon
ang anak niyang SUMISIGAW kasama ng demonstrador
naisip niya, pag ang rally sa kaguluhan HUMANTONG
paano niya mabibigyan ang anak niya ng PROTEKSIYON
2.
At nang medyo mapalapit ang mga NAGPO-PROTESTA
sa pwesto kung saan sila naglagay ng BARIKADA
taas noo pang TUMINGIN sa kinatatayuan niya
ang anak niya na mayroon ding PLACARD na dala-dala
biglang-bigla ay NAGTAMA ang kanilang mga mata
walang ibig MAGPATALO parang di magkakilala
3.
Pulis ay di MAPAKALI at panay ang kanyang dasal
na sana ang protesta’y di humantong sa KAGULUHAN
matatanggap ba nitong ang kanyang anak ay MASAKTAN ?
sa palo ng baston nitong kanyang mga KASAMAHAN?
sapagkat ang anak nitong kanyang pinakamamahal
di NAKATIKIM ng palo sa kanya kahit na kailan
4.
Sa kasagsagan ng rally mayrong naghagis ng PILLBOX
sa gitna ng demonstrasyon kaguluhan ay SUMIKLAB
kasama sa NAARESTO ng pulis ang kanyang anak
dahil sa tinamong palo’y halos hindi MAKALAKAD
subalit sa kanyang mukha ay hindi mo MABABAKAS
ang pagsisisi’t hinagpis at anumang PAGKASINDAK
5.
Nagkaharap ang mag-ama ngunit walang UMIIMIK
mga taong naroroon sa kanila’y NAKAMASID
ngunit binasag ng ama sa MALAMYOS nitong tinig
ang katagang, “ANAK BAKIT ? ginawa mo ito, BAKIT ?
sa kalaban ng gobyerno bakit ka NAGPAPAGAMIT ?
gayong di kaila sa’ yo, na ako ay isang PULIS
6.
” Tama ama, ika’y pulis at alagad ka ng batas,
subalit ang batas natin ay napakaraming butas”
pinoprotektahan ninyo’y yaong mga matataas
na kawani ng gobyernong sa pondo ay MANDURUGAS
samantalang ang tulad ko HUSTISYA lamang ang hangad
upang IPAGTANGGOL lamang itong bansang PILIPINAS
7.
Tayo’y hindi MAGKALABAN ngunit sadyang magkaiba
tayo ng PANININDIGAN at PRINSIPYONG dala-dala
kung kami’y hindi TITINDIG ang bansa ay paano na?
pati na ang KABATAANG siya nating tanging PAG-ASA
pababayaan ba natin na sila rin ay MAGAYA ?
sa’ting mga pulitikong karamihan ay BUWAYA?