Mahigit 20 nitsong winasak ni Ondoy nahihirapang ayusin

    441
    0
    SHARE
    HERMOSA, Bataan – “Ondoy, masdan ang ginawa mo.”

    Ito marahil ang daing ng mga kaanak ng mga patay na nakalibing sa Catholic public cemetery sa barangay San Pedro, Hermosa matapos sirain ng isang mahigit 50 taong puno ng acacia na bumigay ang mga ugat dahil sa lakas ng tubig-ulang dala ng super typhoon.

    May mga nitsong nagkadurog-durog samantalang ang iba naman ay umangat.

    Ayon kay Rey Nuguid, katiwala ni Msgr. Antonio Dumaual ng Hermosa Catholic Church, hindi pa rin naaalis ang mga bungo at buto ng mga patay sa mga nasirang nitso. 

    Nag-aalanganin pa rin, aniya, na alisin ang malaking puno sa pangambang marami pang nitsong mawasak.

    Napakalaki ng puno ng acacia na ayon kay Nugid na 51 taong gulang na ay inabutan na niyang malaki na ang kahoy.

    Ipinatawag na umano ng simbahan ang mga may-ari ng nitso upang pag-usapan kung paano ang mabuting gawin upang mabalik sa dati ang mga libing.

    Sinabi ng isang nagpipinta ng katabing nitso na sobra ang tubig na dala ni “Ondoy” na hindi nakayanan ng lupa kaya nauka at bumigay ang mga malalaking ugat ng punong-kahoy. “Matindi ang bagyong ‘yan,” sabi ng lalaking nag-aayos ng puntod ng kanyang lola.

    Patuloy ang paglilinis sa mga puntod na ang iba’y sinesementuhan pa ang pang-itaas na bahagi upang maging presentable sa parating na Undas.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here