Sawang lumusob sa mga manok, nahuli

    721
    0
    SHARE

    MARIVELES, BataanIsang sawa na halos labing-isang talampakan ang haba ang nahuli gabi ng Miyerkules habang nilulusob nito ang kulungan ng mga manok sa Alion, isang bulubunduking barangay sa Mariveles.

    Sinabi ni Alion barangay chairman Jovito Espanola na wala namang sugat ang sawa kaya agad nila itong dadalhin at ipauubaya sa provincial office ng Department of Environment and Natural Resources sa Balanga.

    Ayon kay barangay Kagawad Al Balan, ang ganito kalaking sawa ay kayang lunukin ang isang aso o manok. Tinalian ang nguso ng sawa sapagka’t matapang at gustong manlaban.

    Nahuli ito ni Nemesio Gonzales habang paikot-ikot ang sawa sa kulungan ng kanyang mga manok at baboy. Nagpipilit umano itong makapasok sa kulungan na mabuti na lamang at nababakuran ng fishing net.

    Pangkaraniwan ang mga sawa sa Alion na lumilitaw sa gabi matapos ang ulan upang umatake sa mga manok at baboy, sabi pa ni Balan.

    Tuwang-tuwa naman ang mga nagmamasid lalo na ang mga babae na umano’y maganda ang sawa habang pakiwal-kiwal itong umuusad na tila nanlalaban at ayaw masilid uli sa sako.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here