Home Opinion Nagpupuyos

Nagpupuyos

903
0
SHARE

NAGPUPUYOS. Ito ang dating ng Panginoon sa binasa ating ebanghelyo. May apoy na nag-aalab sa puso niya. At parang hindi raw ito makahintay na sumiklab sa mundo.

Palagay ko si Prophet Jeremiah ang pinagkuhanan niya ng inspirasyon. Sa Jer. 20:7-9, nagreklamo ang propeta sa Diyos dahil sobra-sobra na raw ang mga pagdurusang hinarap niya mula nang tanggapin niya ang tungkulin ng isang propeta. Sabi niya:

“Panginoon, nilinlang Mo ako at nagpalinlang naman ako sa Iyo. Naging katatawanan ako ng mga tao at patuloy nila akong kinukutya… Kung minsan, naiisip kong huwag na lang kaya akong magsalita ng tungkol sa iyo o magpahayag ng kalooban mo. Pero hindi ko mapigilan, dahil ang salita Mo ay mistulang apoy na nagbabaga sa puso ko at nagniningas sa kaibuturan ng mga buto ko. Hindi ko ito mabata.”

Sa aming lingguhang talk show, Men of Light, para sa episode sa Linggong ito, napangiti ako sa title na napili ng mga cohost ko: DISCOMFORT ZONE. Ang galing. Mas alam natin ang kahulugan ng “COMFORT ZONE” —yung kung saan tayo maginhawa, kung ano’ng nakasanayan natin gusto natin doon na lang tayo, ayaw na natin itong iwanan. Baligtad daw sa ebanghelyo. Ang gawain ng propeta ay parang isang kusang pagpasok sa mga sitwasyong delikado at hindi maginhawa o “discomfort zones,” hindi dahil sa gusto niya, kundi dahil may alab sa puso niya na tumutulak sa kanya—parang di makahintay hangga’t di ito sumisiklab.

Di ba may kuwento ang ating bayaning si Jose Rizal tungkol sa gamugamo na nahumaling sa liyab ng sulo, ayaw lumayo kahit sawayin pa siya ng nanay niya? Parang kwento rin iyan ng ating mahal na patron, San Roque. Beinte anyos lang nang maulilang lubos—solong heredero ng kayamanan at kapangyarihan na iniwan ng ama niya, isang gubernador. Pero tinalikuran niya ang buhay na maginhawa nang nagpasiya siya na sumali sa mga peregrinong Third Order Franciscans at naglakbay patungong Roma.

Bakit? Kasi, ang hangad niyang kaligayahan ay hindi lang para sa sarili lamang. Kaya sa panahon ng epidemya, kahit delikado, kusang-loob din siyang nag-volunteer na kumalinga sa mga tinamaan ng salot. Ang gusto talaga niyang sundan ay hindi naman si St. Francis, kundi si Hesus. Isang good example siya ng sinasabi ng manunulat sa ating 2nd reading: “Tumakbo nang matulin ngunit itutok ang mga mata kay Hesus.” (Heb 12:1-2)

Parang ganito rin ang naramdaman ko nitong mga nakaraang araw. Alam kong nabasa ng marami sa inyo ang nag-viral na pinost kong kuwento tungkol sa sakristan nating si Dion Angelo ng Longos mission station natin sa Malabon. Apat na araw siyang lumusong sa baha noong kasagsagan ng habagat at hindi umubra ang palpak na flood control na ginastusan ng 5 billion pesos para sa Malabon-Navotas. Nasira daw ito pinondohan ng karagdagang 280 million pesos, pero di pa rin umuubra.

Kasama ang nanay niya, dumalaw sa bawat barangay hall at police station si Gelo para ipa-blotter sa mga kinauukulan ang pagkawala ng ama. Nahanap siya sa wakas noong July 25 sa Sangandaan Police Station. Inaresto diumano at kinasuhan ng salang pagsusugal sa kalsada ng kara y krus. Hay, buhay. Ngayon pa sila mang-aaresto sa salang illegal gambling ng mahihirap, gayong ginawa nang legal ang online gambling at hinayaang makapasok ang mga pasugalan sa bawat cell phone? Ibig sabihin ang mismong gubyerno natin ngayon ang pinakamalaking gambling lord!

30 libong piso ang bail at may bayad pa ang bawat dalaw sa presinto. Saan sila hahanap ng pera? Nagkasakit tuloy ng leptospirosis si Angelo at namatay noong Linggo ng gabi, July 27. Namatay din ang lolo niya noong August 4 naman. Sanay tayo na anak ang naglilibing ng magulang. Pero di ba masaklap na magulang ang naglibing ng kanyang anak? Panganay si Gelo sa anim na magkakapatid at 3rd year college na sana sa city college, sakristan pa sa simbahan. Pag-asa ng pamilya, anak ng simbahan, siya pa ang mawawala. Kung di ba naman mag-aalab ang puso nyo at parang ibig sumiklab at magpuyos sa ating lipunang bulok at di-makatarungan, baka sobrang manhid na lang tayo. 

Beinte anyos lang si San Roque nang mawalan siya ng magulang. Beinte anyos si Gelo nang mawala siya sa kanyang mga magulang. Kung di pa natulungan magpiyansa, baka ni hindi nakauwi ang ama para maglibing ng anak. At ngayon may kaso pa siya na dapat harapin sa husgado ang tatay niya. Dalawa silang kinasuhan ng illegal gambling na hindi naman nila ginawa. Ni hindi nga sila magkakilala ng diumano’y kalaro daw niya ng kara y krus. 

Noong nakaraang Huwebes naganap ang arraignment sa korte sa North Caloocan. Tinanong sila ng Husgado: “Guilty” or “Not Guilty”? Ang sagot ng tatay ni Gelo ay “Not Guilty po.” Pero iyung diumano’y kalaro niya ng kara y krus, iyung walang pambayad ng piyansa, ang sagot niya ay “Guilty po.” Umamin siya sa hindi naman niya ginawa!

Pagkatapos ng hearing, tinanong daw siya ng aming volunteer na abogado na pro-bono, “Ba’t ka umamin e alam naman namin na hindi totoo?” Napayuko daw siya at umiyak. At sinabi niya, “Para lang po makalaya na, sir. Wala naman po kaming pambayad piyansa at abugado at sanlibo lang daw naman daw po ang ipapataw na multa, bat di pa ako aamin kahit di totoo? Atty, magugutom po ang pamilya ko pag di ako nakabalik agad sa trabaho.” 

Sa madaling salita, “May choice ba ang mga maralita sa bulok at di-makatarungang sistema ng ating lipunan?”

Ngayong kasalukuyan, salamat sa Diyos, umaandar na ang mga imbestigasyon tungkol sa korupsyon ng flood control. Matunog sa balita. Noon pa mang SONA alam natin na hindi naman talaga mga CONTRATISTA lang ang dapat pagsabihang “MAHIYA NAMAN KAYO.” Mga CONGRESISTA RIN at LGU, di ba? Pag biglang natigil ang imbestigasyon na ito at wala pa ring nanagot, alam na natin ang ibig sabihin noon. 

Salamat din sa Diyos at naglabas ng regulasyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas: bawal na raw ang digital link ng mga e-wallets sa online gambling. At alam ba ninyo kung kailan ang simula ng effectivity ng BSP order? Mamayang gabi, August 16, 8 p.m. Viva San Roque! Ay teka, huwag po munang mag-viva, dahil ang online gambling ay patuloy pa rin. Nasa 8 billion pesos na daw ang kinikita ng Digiplus sa loob lang ng 8 months at mabilis ang pagbulusok nila sa stocks exchange. Saan ka nakakita na Gubyerno mismo ang pinakamalaking pusher ng salot na adiksyon sa sugal na sumisira sa kinabukasan ng ating bansa, lalo na ng mga kabataan? 

Anong kinabukasan natin kung sa nakaraang budget halagang mahigit 300 billion ang isiningit na pondo para sa flood control, at ang binawasan ay ang PhilHealth, 4Ps at mga social programs? Hindi ba dapat magpuyos ang kalooban natin sa ganyan? Bakit isinusugal ng bayan natin ang kinabukasan ng susunod na henerasyon? 

Di ba kayo nagtataka, bakit kaya laging sa buwan ng kapistahan ni San Roque nagaganap ang mga pangyayaring yumayanig sa bayan natin? August 16 nang patayin si Kian de los Santos, ang 17-year-old na istudyante na nagsabing, “Tama na po, Sir, may test pa ako bukas.” Taga-Caloocan. August 16 naman nang ilibing ang kabataang binaril, si Jemboy Baltasar, ang 17-year-old na mangingisda, na nabuhay sana kung hinango siya sa tubig matapos barilin. Lunod ang ikinamatay, at nang hanguin, sorry mistaken identity. Taga-Navotas siya. At August 10 naman nang ilibing ang ating sakristan na si Dion Angelo de la Rosa. Taga Malabon siya. Caloocan, Malabon, Navotas—kumpleto na ang Diocese natin.

Sabi ni Hesus sa ebanghelyo: magkakaroon daw ng mga pagkakahati-hati. Minsan talaga namang kailangan makaranas ng “division” ang mga huwad na “unity” para matauhan tayo, para lumakas ang loob natin na lumusong sa “discomfort zone.” Kahit ang bakal kailangan munang dumaan sa apoy upang mapanday, at imbes na gawing sandatang pandigma ay gawing asarol na pambungkal ng lupa. Isang makabuluhang kapistahan po sa ating lahat. Viva San Roque!

(Homiliya para sa Bihilya ng Misang Pang-20 Linggo ng Karaniwang Panahon sa Kapistahan ni San Roque, 16 Agosto 2025, Lk 12:49-53)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here