Home Headlines Mag-asawa patay nang araruhin ng bus ang tinutulugang karinderya

Mag-asawa patay nang araruhin ng bus ang tinutulugang karinderya

595
0
SHARE
Mistulang nilukot na lata ang isang van na inararo ng bus bago mahati ang karinderya na dinaanan nito sa gitna. Kuha ni Armand M. Galang

SANTA ROSA, Nueva Ecija – Isang mag-asawa ang nasawi at isang katao pa ang nasa kritikal na kondisyon nang araruhin ng isang bus ng Solid North (NBC 5220) ang isang karinderya kung saan natutulog ang pamilyang may-ari nito sa Barangay Sto. Rosario dito bandang ala-1: 20 ng umaga nitong Miyerkules.

Ang mga nasawi ay nakilalang sina Edwin Yumol, 56, at Uzel Reyes, 46. Nasa kritikal na kondisyon naman sa lokal na ospital ang driver ng bus na hindi pinangalanan ni Major Williard Dulnuan, hepe ng pulisya ng munisipalidad na ito.

Ayon kay Dulnuan, binabaybay ng bus ang kahabaan ng Santa Rosa – Tarlac Road patungong silangan ng bigla umanong mawalan ng kontrol ang driver sa manibela at kumabig pakaliwa.

Bukod sa puwesto ng karinderya sa gilid ng highway ay sinurod din ng bus ang isang nakaparadang van.

Ayon sa residente na si Alfredo Santos, sa karinderya rin natutulog ang isang anak at mga apo ng mag-asawa nang maganap ang aksidente. Mapalad aniya na walang nasaktan sa mga ito.

Wala ring iniulat na nasaktan sa mga pasahero ng bus.

Naniniwala ang ilang kasamahan ng driver na binato ang bus.

Tumagos sa windshield ang bato na tumama umano sa ulo ng driver kaya nawalan ito ng control sa manibela.

Wala pang pahayag ang pulisya tungkol dito. Nilinaw ni Dulnuan na patuloy ang imbestigasyon kung ano ang dahilan ng aksidente.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here