Punong barangay patay sa pamamaril

    354
    0
    SHARE
    STO. DOMINGO, Nueva Ecija – Hindi na naisugod sa ospital ang isang punong barangay matapos pagbabarilin at mapatay ng riding-in-tandem bandang alas 11:45 ng gabi nitong Martes sa Barangay San Fabian.

    Ang biktima ay nakilalang si Chiqui Sumait, 44, residente at chairman ng naturang barangay.

    Ayon kay PO3 Orly Lagat, imbestigador ng Sto. Domingo police station, nakaupo sa monobloc chair at may kausap sa telepono ang biktima nang biglang dumating ang mga salarin at walang sali-salita na pinaputukan siya ng sunod-sunod sa ulo.

    Duguang bumagsak sa semento at wala nang buhay si Sumait nang datnan ng mga nagrespondeng residente at otoridad.

    Negosyante ng sibuyas si Sumait at naghihintay umano siya ng truck na magsasakay ng kanyang produkto nang maganap ang pamamaslang.

    Ayon kay Lagat, dalawang tama ng bala sa ulo mula sa .45 pistola ang tumapos sa buhay ng kapitan.

    Sumisigaw naman ng katarungan ang kanyang pamilya. Ayon sa maybahay ni Sumait na si Lenny, 45, wala siyang alam na kagalit ng kanyang asawa.

    “Napakabait po niya. Walang lumapit sa kanya na hindi pinagbigyan,” ani Lenny. Mayroon silang dalawang anak, isang 17 anyos at isang 9 anyos.

    Putuloy pang inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa pamamaslang.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here