SAN JOSE CITY – Nasawi ang nurse na si Alvin Velasco, miyembro ng local disaster risk reduction and management office ng San Jose City, habang nagsasagawa ng search and rescue operation sa bahagi ng Upper Pampanga River sa Barangay Parang Mangga dito nitong July 24.
Si Velasco ay kasama ng team na tumugon sa misyon na hanapin ang isang residente na nalunod umano sa rumaragasang tubig dulot ng bagyong Emong.
Sa kasawiang palad ay nalunod umano si Velasco.
Tinangka ng kanyang mga kasama na iligtas si Velasco ngunit hindi sila nagtagumpay.
Si Velasco ay inilarawan ng kanyang mga kasama na tapat at dedikado na lingkod-bayan.
Patuloy naman ang paghahanap sa nawawalang residente.