LUNGSOD ng Balanga: Umabot sa dalawang libong mangingisda sa Orani, Bataan ang naabutan ng tulong sa pagbisita noong Biyernes ni Sec. Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development.
Binisita ni Gatchalian amg Orani Fish Landing and Trading Facility upang malaman ang kalagayan ng mga mangingisda at tuloy magbigay ng tulong sa mga higit na naapektuhan ng bagyo at habagat ng mga nagdaang araw.
Tumanggap ng food packs at hot meals ang mga mangingisda.
Sinamahan ang kalihim ng DSWD nina Gov. Jose Enrique Garcia III, Vice Gov. Cris Garcia, Cong. Atty. Tony Roman III, Bokal Bong Galicia, Orani Mayor Jon Arizapa, Bataan police director Col. Marites Salvadora, mga kawani ng DSWD, PSWDO at mga opisyal ng yunit pamahalaang lokal ng Orani.
Sa Orion naman, 1,200 mangingisda na apektado ng habagat ang nakatanggap rin ng food packs mula sa DSWD.
Nakasama ni governor sa pamimingay ng tulong sina DSWD Undersecretary Diana Rose Calipe, Vice Mayor Rex Fuster, mga kawani ng DSWD, PSWDO, at mga opisyal ng pamahalaang bayan ng Orion.
“Hindi rito nagtatapos ang pagbibigay ng tulong ng ating probinsya at ng pambansang pamahalaan. Patuloy po tayong magbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan katuwang ang iba’t-ibang ahensya at tanggapan ng pamahalaan,” sabi ni Garcia.